Home News from RP Embassies “Pinoy Ako” Summer Camp, Ginanap sa Pasuguan ng Pilipinas sa Beijing

“Pinoy Ako” Summer Camp, Ginanap sa Pasuguan ng Pilipinas sa Beijing

E-mail Print PDF
Forex

pinoy_ako_summer_camp_beijing

30 July 2010 - Halos 30 kabataang Pilipino na may edad dalawa hanggang 13 ang dumalo sa kauna-unahang "Pinoy Ako Summer Camp" na ginanap sa Pasuguan ng Pilipinas sa Beijing noong Hulyo 24.

Sa kanyang ulat sa Kagawaran ng Ugnayang Panlabas, malugod na sinabi ni Ambassador Francisco L. Benedicto na sa kauna-unahang pagkakataon ay nagtipon-tipon ang mga mga magulang at kanilang mga anak para magkaroon ng malawakang pananaw sa kultura at wikang Pilipino.

"Itinaguyod ng Pasuguan at ilang mga Pilipinong magulang ang summer camp na ito upang pag-ibayuhin ang interes ng mga batang Pilipino sa Beijing na matutuhan ang ating sariling wika, pati ang ating kultura at kaugalian," sabi ni Ambassador Benedicto.

Idinagdag ng Ambassador na ang ginanap na summer camp ay nagbigay ng mga karagdagang kaalaman sa mga Pilipinong magulang kung paano nila patuloy na maituturo sa kanilang mga anak ang wikang Filipino upang ang mga ito ay maging bilingual.

Ayon kay Ambassador Benedicto, ang naging pangunahing layunin ng summer camp ay ang pagpukaw sa kinagisnang kaugaliang Pilipino: ang pagiging maka-Diyos, makatao, makabayan at makakalikasan.

Ang mga kalahok ay hinati sa tatlong grupo - Buklod Luzon, Buklod Vizayas, at Buklod Mindanao - para ipakita ang tatlong pangunahing isla na bumubuo sa bansang Pilipinas.

Ang mga pangunahing pagsasanay na ginawa sa buong araw ng summer camp ay ang pagsasanay ng awiting Filipino (Lupang Hinirang at Pinoy Ako), at pagkilala sa bansa at kaugalian (Alamin muna ang heograpiya ng Pilipinas at alamin ang mga kaugalian sa iba't-ibang lugar nito).

Tinuruan din ang mga kalahok sa kahalagaan ng pagiging maka-Diyos, makatao, makabayan at makakalikasan sa pamamagitan ng pagtutulungan, pag-aaruga, paglilinis, at pag-aayos.

Nagkaroon din ng pagsasanay ang mga magulang upang mabigyan ang mga ito ng mga hakbangin upang maipagpatuloy ng kanilang mga anak ang pag-aaral ng wikang Filipino, at mga pamamaraan kung paano palalakihing bilingualtrilingual ang mga ito.

Naging pangunahing guro sa nasabing summer camp sina Bro. Sid Ching at Sr. Rebecca Polinar, mga misyonaryo na kasalukuyang nag-aaral sa Beijing.  WAKAS
 

e-News and Updates

Enter your email address:

Delivered by FeedBurner

YouCMSAndBlog Module Generator Wizard Plugin