Home Public Advisory Konsulado Sa Macau, Patuloy ang Aksyon Laban Sa Illegal Recruitment at Repatriation ng mga Biktima

Konsulado Sa Macau, Patuloy ang Aksyon Laban Sa Illegal Recruitment at Repatriation ng mga Biktima

E-mail Print PDF
Forex

21 July 2010 - Patuloy ang Konsulado Heneral ng Pilipinas sa Macau sa pagsasagawa ng mga hakbang para maiwasan na maging biktima ng mga illegal recruitment ang mga Pilipino dito sa Macau.

Sa isang kaso noong nakaraang linggo, isang recruiter na taga-Region 5 ang naghikayat ng 10 katao, na halos lahat ay college graduate, na pumunta sa Macau at pinangakuan ng trabaho.

Subalit matapos magbigay ng malaking halaga, ang mga biktima ay sinamahan at nanatili sa San Ma Lou, Macau ng halos dalawang buwan sa kahihintay, ngunit wala namang nakuhang ipinangakong job placement.

Napauwi sa Pilipinas ng Konsulado Heneral ang mga biktima noong gabi ng Hulyo 9 matapos mapilit na sagutin ng recruiter ang mga return airline tickets ng mga biktima at mabayaran ng paunang halaga ang mga kaanak sa Pilipinas sa nakuhang kabayaran ng recruitment fees.

Dumulog sa Konsulado Heneral ang mga biktima, kung kaya't agad nakipag-ugnayan ang kinatawan ng Konsulado sa pulis, immigration, at judiciary ng Macau kasama ang mga biktima at suspek para maimbestigahan ang reklamo o kaso at nagkaroon ng  mabilisang pagdinig.

Liban sa suspek, pansamantalang nakulong din nang ilang oras ang mga biktima, dahil hindi nila pinalalabas ng bahay ang suspek hanggang hindi nito matupad ang ipinangako sa kanila na naging sanhi ng pagtawag ng huli sa mga pulis na siya ay na-hostage.

Namagitan ang Konsulado Heneral upang madaliang mapakawalan, mailigtas ang mga biktima at makauwi sa Pilipinas sa lalong madaling panahon.

Naimbestigahan ng Konsulado at nakuhang lahat ang mga salaysay ng mga biktima para maipagpatuloy ang imbestigasyon ng kaso, sa pakikipag-ugnayan sa mga biktima.

Samantala, patuloy rin naman ang pakikipag-ugnayan ng Konsulado sa mga contacts ng recruiters dito sa Macau, para patuloy na maimbestigahan ang modus operandi at matigilan ang iba pang magiging biktima.

Muling nanawagan ang Konsulado sa mga Pilipino na nais magtrabaho dito  sa Macau na mag-apply lamang sa mga lehitimong recruitment agencies na aprobado ng Philippine Overseas Employment Agency sa Maynila o diretsong makipag-ugnayan sa prospective employer o sa Konsulado Heneral. WAKAS
 

e-News and Updates

Enter your email address:

Delivered by FeedBurner

YouCMSAndBlog Module Generator Wizard Plugin