Pagbubukas ng Embahada sa Publiko sa Araw ng Sabado bilang Araw ng Embahador
MADRID 23 Hulyo 2020 — Ang Pasuguan ng Pilipinas sa Madrid ay nagbukas sa publiko noong ika-18 ng Hulyo 2020 bilang paggunita sa nalalapit na kaarawan ni Embahador Philippe J. Lhuillier. Binuksan ang pintuan ng seksyon consular ng embahada at ng Philippine Overseas Labor Office (POLO)-Madrid noong Sabado, sa kauna-unahang pagkakataon, upang magpahatid ng serbisyo sa mga kababayan sa Espanya.
Ang espesyal na araw na tinaguriang “Araw ng Embahador” ay naghatid serbisyo sa 23 na aplikante ng pasaporte na nanggaling pa sa Valencia. Bukod dito, siyam na iba pa ang nakapag-avail ng iba pang serbisyo.
“Nagpapasalamat kami sa buong Embahada at sa ating Embahador sa pagbukas nila sa araw na ito para sa amin na taga Valencia,” wika ni Gng Evelyn San Gregorio, isa sa mga nakapag-renew ng pasaporte. Ang Valencia ay 359 km ang layo sa Madrid. Ang grupo ay nag-charter ng isang tourist bus para makarating sa Madrid.
Sinamantala naman ng mga taga Valencia ang Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) membership renewal at rehistrasyon pagkatapos magbigay ng maiksing pagpapaliwanag ang opisina laboral.
Sa araw din na iyon, inilunsad ang libreng konsultasyon sa usapang ligal sa pamamagitan ng Whatsapp, na magtatapos sa 31 ng Hulyo. Mula nang ito ay sinumalan, nakapagbigay na ng mga payo patungkol sa annulment, pagpalit ng titulo ng lupa at koreksyon ng birth certificate.
Kinausap at pinasalamatan din ni Embahador Lhuillier ang mga nagsidalong mga kababayan at gayundin ang mga tauhan ng embahada sa pinamalas nilang serbisyo publiko. END
Pasuguan ng Pilipinas sa Madrid Consular at Philippine Overseas Labor Office (POLO) services sa Araw ng Embahador 2020. (Madrid PE photos)
Para sa karagdagang impormasyon, bisitahin ang https://www.madripe.dfa.gov.ph, https://www.philembassymadrid.com or https://www.facebook.com/PHinSpain/.