Ika-12 Setyembre 2014 - Ipinagbibigay alam ng Kagawaran ng Ugnayang Panlabas sa publiko na naapektuhan ng di-inaasahang isyung teknikal ang paggawa ng pasaporte. Gayunpaman, sinisiguro ng Kagawaran na naayos na ang problemang ito at naibalik na sa normal ang produksyon ng pasaporte ngayong araw.
Ipinagbibigay alam din ng Kagawaran na dahil sa problemang ito, nagkaroon ng pagka-antala sa pag-isyu ng ilang pasaporte. Sa kadahilanang ito, magpapatupad ang Kagawaran ng mga hakbang, gaya ng patuloy na paggawa ng pasaporte kahit holidays at weekends, upang sa loob ng tatlo hanggang apat na linggo ay mabawasan at tuluyang maubos ang production backlog.
Humihingi ng taus-pusong paumanhin at lubos na pag-unawa ang Kagawaran sa publiko sa di-inaasahang pangyayaring ito. Makakaasa ang sambayanang Pilipino na patuloy na tutugunan ng Kagawaran ang mga pangagailangan para sa pasaporte. WAKAS