11 Setyembre 2013 - Ang Tanggapang Konsular na Panrehiyon ng Lucena ay nagdiwang ng Buwan ng Wikang Pambansa sa pamamagitan ng pagkaroon ng tagisan sa pagkatha ng sawikain sa mga kawani, opisyal at myembro ng kanilang pamilya at sa paggamit ng wikang Filipino habang nagsasagawa ng serbisyo konsular sa buong buwan ng Agosto.
Ang pagbibigay ng parangal sa nanalong lahok sa pagkatha sa sawikain ay ginanap noong ika-30 ng Agosto kung saan ay napiling Unang Gantimpala ang sawikain na nakatala sa ibaba na isinumite ni Bb. Sabina C. Moreno.
Wika nati’y ating linangin at pagyamanin
Sa serbisyong may ngiti, ito’y ating gamitin
Daang matuwid ay palagi nating tahakin
Upang kaunlaran ng bayan ay ating kamtin
Nagwagi din sina G. Dee Jay J. Maog (pangalawang gantimpala) at 3) Bb. Corazon Digna C. Moreno (pangatlong gantimpala) sa nabanggit na paligsahan. Bukod sa mga kawani ng Tanggapan ng Lucena, ang naturang okasyon ay dinaluhan rin ng Punong Tagapamahala ng Philippine Information Agency (PIA) ng probinsya ng Quezon na si G. Joselito M. Giron, Education Program Supervisor in Charge sa Filipino sa buong Quezon na si G. Joseph I. Jarasa at District Statistic Officer ng National Statistic Office (NSO) na si Gng. Margarita G. Cada na nagsilbing hurado sa nasabing patimpalak. Bago ang pagbibigay ng parangal sa mga nagwagi ay nagkaroon din ng maikling talakayan tungkol sa wikang Filipino sa pangunguna ni G. Jarasa. WAKAS