2 Agosto 2013 – Pormal in inilunsad ng Pasuguan ng Pilipinas sa Paris ang pagdiriwang ng Buwan ng Wika 2013. Pinangunahan ni Ambassador Cristina G. Ortega ang pagdiriwang sa tanggapang konsular ng Pasuguan. Sa kanyang talumpati, ipinahayag ni Ambassador Ortega ang tema ng padiriwang na galing sa Komisyon ng Wikang Filipino (KWF) na "Wika Natin ang Daang Matuwid.”
Nagbigay ng maikling diskurso ang Ambassador at ipinaalala niya sa lahat na “ang wika ay masasabi nating kaluluwa ng isang bansa. Sa ganang atin, nagbibigay buhay at nagsisilbing tulay ito sa ating mga komunidad saang bahagi man ng mundo madadatnan ito, katulad natin dito sa Paris. Sa pamamagitan nito, ang pagkakaisa at pagkakaunawaan nating mga Pilipino ay lalong yumayabong."
Sinabi rin ni Ambassador Ortega na mahalagang pag-ibayuhin ang pagtuturo ng wikang Filipino sa mga kabataang Pilipino, lalo na ang mga isinilang na sa ibang bansa sapagkat sa pamamagitan nito ay maibabahagi natin sa kanila, silang mga pag-asa ng bayan, ang yaman ng ating kultura at ang dangal ng lahing Pilipino.
Maliban sa talumpati ni Ambassador Ortega ay inilunsad din ang iba’t ibang mga gawain at patimpalak para sa Buwan ng Wika tulad ng Patimpalak sa Sanaysay na tumutukoy sa tema ng pagdiriwang ngayong taon, mga palarong pagbuhol ng dila at pagsiwalat ng impormasyon sa wikang Filipino. WAKAS