MENU

 

Chicago Buwan ng Wika

Ika 07 ng Agosto 2013 - Ang Konsulado Panlahat ng Pilipinas sa Chicago ay nakikiisa sa pagdiriwang ng Buwan ng Wikang Pambansa ngayong buwan ng Agosto. 

Sinimulan ang opisyal na pagdiriwang noong ika-05 ng Agosto sa pamamagitan ng Paggalang sa Watawat sa Konsulado. Maraming mga kapwa Pilipino sa Chicago ang dumalo at nakibahagi sa pag-awit ng Pambansang Awit at pagbigkas ng Panunumpa sa Watawat.  Habang papasok sila sa Bulwagang Kalayaan, binigyan sila ng mga sipi ng Panunumpa. Ito ay ikinatuwa ng mga kababayan natin sapagkat karamihan sa kanila ay ang nalalaman pa ay ang “Panatang Makabayan”.

Binati ni Konsul Heneral Leo Herrera-Lim ang mga dumalo at ipinag-bigay alam sa kanila ang mga gawain para sa buong Chicago Buwan ng Wika2buwan. Inumpisahan na ang pagpapalabas ng ilang pelikulang Pilipino sa bulwagang konsular habang naghihintay ang publiko na matapos ang pagsilbi sa kanila.  Inanyayahan rin ng Konsul Heneral ang mga panauhin na dumalo sa opisyal na pahina ng Konsulado sa Facebook, at makilahok sa “Bugtong, Bugtong” na nag-umpisa na noong ika-01 ng Agosto.

Patuloy na magbibigay-alam ang Konsulado sa mga gawain nito sa pamamagitan ng patalastas at pamahayag sa opisyal na pahina ng Konsulado sa Facebook, na matatagpuan sa http://www.facebook.com/chicagopcg. WAKAS