12 Agosto 2013 — Bilang pakikiisa sa pagpapatupad ng layunin ng Pamahalaan para sa pagdiriwang ng Buwan ng Wikang Pambansa, ang Pasuguan ng Pilipinas sa Dhaka ay bumuo ng programa na may layong maturuan ang mga batang Pilipino sa Bangladesh ng pagsasalita ng wikang Filipino at maipabatid sa kanila ang iba’t ibang kaugalian at tradisyon ng mga Pilipino noong ika-03 ng Agosto.
Kasama sa programa ang pagbabahagi ng mga kaalaman tungkol sa Pilipinas, pagbuo ng pangungusap at ang tamang paggamit ng salitang Filipino sa pagpapahayag ng pagbati, pagpapakilala sa sarili, paglalarawan sa tao at bagay. Ang pagkain ng iba’t ibang meryendang Pinoy at ang paglalaro ng mga larong Pilipino ay bahagi din ng programa.
Ang mga klase sa Pag-aaral ng Wikang Filipino ay gaganapin tuwing Biyernes ng Agosto, mula ika-1 hanggang ika-4 ng hapon sa Pasuguan, sa pakikipagtulungan ng Philippine Society in Bangladesh (PSB) at Filipino Grand Alliance in Bangladesh (FGAB). Ito ay nagsimula noong ika-03 ng Agosto at dinaluhan ng mga batang Pilipino sa Dhaka kasama ang kanilang mga magulang.
Sa kanyang talumpati sa pagbubukas ng klase, ipinahayag ni Consul General Mohd. Noordin Pendosina Lomondot sa mga bata ang kahalagahan na matutunan at matandaan ng bawat Pilipino ang pagsasalita sa sarili nating wika na kung saan kanyang sinabi na, “sa wikang Filipino natin maipapahiwatig ang tunay natin pagkakakilanlan, na tayo ay mga Pilipino. Kaya ngayong Buwan ng Wikang Pambansa, ipakita natin ang ating pagmamahal sa ating sariling wika tulad ng iniwang aral ni Dr. Jose Rizal – “ang hindi magmahal sa sariling wika, daig pa sa hayop at malansang isda.”
Alinsunod din sa tagubilin ng Pamahalaan kaugnay sa paggunita ng Buwan ng Wikang Pambansa, isasagawa ng Pasuguan ang programa sa pagtaas at pagbababa ng Bandila sa wikang Filipino para sa buong buwan ng Agosto. WAKAS