13 Agosto 2013- Ang Pasuguan ng Pilipinas sa Gresya ay nagdiwang ng Buwan ng Wikang Pambansa noong ika-7 ng Agosto sa loob ng Pasuguan.
Nagsimula ang programa sa pagtaas ng bandila ng Pilipinas at panunumpa sa watawat. Sumunod dito ang isang maiksing mensahe ni Ambasador Meynardo LB. Montealegre.
Ang programa para sa buong araw ay inilaan ng Pasuguan para sa mga kabataang Pilipino. Layunin ng Pasuguan ang magbahagi ng kaalaman sa mga kabataang Pilipino sa Gresya ukol sa Wikang Pambansa at paggamit ng sariling wika. May dalawampu’t dalawang (22) bata mula apat (4) hanggang labindalawang (12) gulang na lumahok sa programa, na karamihan ay anak ng mga Filipino sa Gresya.
Sa umaga ay natutunan ng mga bata ang mga larong lahi gaya ng luksong tinik, pitik bulag, tumbang preso, saw-saw suka, jack en poy, jackstone, at pabitin. Ang mga nanalo ay binigyan ng mga medalya at mga produktong pinoy. May mga premyo ring binigay sa mga di pinalad na manalo.
Matapos ang palaro ay tinuruan naman ang mga bata ng mga pambatang awit tulad ng Bahay Kubo, Paa-Tuhod, Kung Ikaw ay Masaya, at Tong Tong Tong Pakitong-kitong. Nananghalian ang mga bata ng spaghetti pinoy style at lechon manok na siyang patok na patok sa kanila.
Ang programa sa hapon ay sinimulan sa pagbabasa ng mga maiikling kwentong pambata tulad ng Tiktaktok at Pikpakbum, Isang Mayang Uwak, at Si Hinlalaki. Inakto ng mga kawani ng Pasuguan ang mga kwentong binasa na siyang kinatuwa ng mga bata. Matapos ang kwentuhan, nagkaroon ng palitan ng mga katanungan at kasagutan ukol sa mga kwentong binasa. Natapos ang araw sa paggawa ng bandila ng Pilipinas at pagturo ng pag-awit ng Lupang Hinirang.
Natuwa ang mga bata gayundin ang kanilang mga magulang sa programang inihanda ng Pasuguan. WAKAS