Ika-16 ng Agosto 2013 - Ang Konsulado Panlahat ng Pilipinas sa Chicago ay patuloy na nakikiisa sa pagdiriwang ng Buwan ng Wikang Pambansa ngayong buwan ng Agosto.
Inumpisahan noong ika-01 ng Agosto ang araw-araw na pagpapalabas ng mga pelikulang Pilipino sa bulwagang konsular habang naghihintay ang publiko na matapos ang pagsilbi sa kanila. Patuloy din ang paggamit ng wikang pambansa sa lahat ng patalastas at pamahayag sa opisyal na pahina ng Konsulado sa Facebook, pati na rin sa mga liham at pahayag sa mga publikasyong Pilipino sa gitnang kanlurang Estados Unidos.
Ipinalabas na rin sa opisyal na pahina ng Konsulado sa Facebook ang isang munting palabas ukol sa mga Salawikain. Patuloy rin ang araw-araw na paglabas ng bugtong sa “Bugtong, Bugtong”.
Nagkaroon na ng dalawang nagwagi ng mga gantimpala sa lingguhang paripa ng Konsulado sa “Bugtong, Bugtong”. Ito ay sina Gng. Anna Millan at Gng. Barbara Greco. Nanalo sila ng mga tagapagpagunita mula sa Pilipinas, na galing sa Kagawaran ng Turismo ng Pilipinas.
Magkakaroon pa ng tatlong pagkakataon upang manalo sa lingguhang paripa ang mga sasali sa “Bugtong, Bugtong”.
Patuloy na magbibigay-alam ang Konsulado sa mga gawain nito sa pamamagitan ng patalastas at pamahayag sa opisyal na pahina ng Konsulado sa Facebook, na matatagpuan sa http://www.facebook.com/chicagopcg. WAKAS