22 Agosto 2013 - Ang Konsulado Panlahat ng Pilipinas sa Chicago ay patuloy na nakikiisa sa pagdiriwang ng Buwan ng Wikang Pambansa ngayong buwan ng Agosto.
Matagumpay na isinigawa ng Philippine American Cultural Foundation (PACF), sa pakikipagtulungan ng Konsulado Panlahat ng Pilipinas sa Chicago, ang Paaralang Pilipino Summer Camp sa Maywood, Illinois noong ika-17 ng Agosto. Ang Paaralang Pilipino Summer Camp ay itinatag upang turuan ang mga batang Filipino-Amerikano tungkol sa kulturang Pilipino. Kasama na sa mga itinuro ay ang mga tradisyonal na sayaw, palaro, at awit ng Pilipinas. Tinuruan rin sila ng wikang Pilipino. Ipinakilala rin ng Konsulado, sa katauhan ni Pangalawang Konsul Ricarte Abejuela III, ang mga bugtong at salawikaing Pilipino. Labing-limang mga bata ang dumalo sa Paaralang Pilipino kasama ang kanilang mga magulang.
Iginawad rin ni Pangalawang Konsul Abejuela ang gantimpala ni Gng. Anna Millan na tagapagpagunita mula sa Pilipinas, na galing sa Kagawaran ng Turismo ng Pilipinas. Si Gng Millan ang unang nanalo sa lingguhang paripa ng Konsulado sa “Bugtong, Bugtong” sa opisyal na pahina ng Konsulado sa Facebook.
Patuloy na magbibigay-alam ang Konsulado sa mga gawain nito sa pamamagitan ng patalastas at pamahayag sa opisyal na pahina ng Konsulado sa Facebook, na matatagpuan sa http://www.facebook.com/chicagopcg. WAKAS