MENU

Agana  Buwan ng Wika1

22 Agosto 2013 - Malugod na ipinapaalam ng Konsuladong Panlahat ng Pilipinas  sa Guam na sa pagsisimula ng programa para sa ikatlong linggo ng pagdiriwang ng “Buwan ng Wikang Pambansa” ay nakiisa ang “Guam Filipino Artists” sa pamumuno ng kanilang Pangulo na si G. Rolly Zepeda.

Nagsimula ang programa sa pag-awit ng “Lupang Hinirang” sa pangunguna ni G. Marcial Pontillas, kasabay ang pagtataas ng bandila nina G. Rolly Zepeda, G. Christian Mahilum at Gng. Milagros Moguel. Pinangunahan naman ni G. Jun Moguel ang “Panunumpa sa Watawat.”

Ang maikling palatuntunan ay sinundan ng isang salu-salong Pilipinong almusal na inihanda ng Konsulado. Samantalang isinasagawa ang almusal, naghanda naman si Gng. Moguel ng isang patimpalak na tinawag na “Tayo ay Magbugtungan” na nilahukan ng mga kasapi ng Konsulado at ng “Guam Filipino Artists.”   

Kasama sa programa ang pagpahayag ni Konsul Heneral Mangibin tungkol sa nagwagi sa patimpalak sa paglikha ng karatula o poster na nilahukan ng mga miyembro ng “Guam Filipino Artists” na may temang  “Wika Natin ang Daang Matuwid”.

Sa pamumuno ni Konsul Edgar Tomas Q. Auxilian, bilang tagapangulo ng mga hurado, kasama ang apat na miyembrong kinabibilangan nina G. Roy Adonay, Pangulo ng Filipino Community of Guam, G. Rolly Zepeda, Pangulo ng GFA, Gng. Loisa Cabuhat, Pangulo ng Filipino Ladies Association of Guam, at Rev. Fr. Carlos Vila ng St. Anthony/St.Victor Church sa Tamuning, ang pagpili ng nanalo ay isinagawa noong nakaraang Biyernes, Agosto 16, sa Konsulado.

Ang karatulang gawa ni G. Ariel Dimalanta ang napili ng limang hurado na nagsasagisag ng temang “Wika Natin Ang Daang Matuwid”.

Ang lahat ng lumahok sa patimpalak ng karatula ay bibigyan ng Komisyon ng Wikang Filipino (KWF) ng sertipiko ng pagpapahalaga. Ang nanalo naman ay bibigyan ng sertipiko ng pagkilala  karagdagang premyong “cash” ng Konsuladong Panlahat. 

Ang seremonya sa pagkilala ay gaganapin sa Agosto 30 sa ganap na ika-tatlo ng hapon sa Konsuladong Panlahat. WAKAS

Agana  Buwan ng Wika 2