Ika-29 ng Agosto 2013 - Upang ipagdiwang ang Buwan ng Wikang Pambansa sa ilalim ng temang Ang Wika Natin ay Sandata Laban sa Kahirapan, isinagawa ng Konsulado Heneral ng Pilipinas sa Hong Kong at ng PLDT-Hong Kong ang Pagtalakay sa Edukasyong Pinansiyal: Ang Perang Pinaghirapan, Gamitin sa Wastong Paraan! noong ika-4 ng Agosto sa pampublikong lugar ng tanggapan ng Konsulado.
Si Ginoong Randell Tiongson, isang rehistradong tagaplanong pinansiyal, ang nagsilbi bilang panauhing tagapagsalita. Sa loob ng dalawang oras, nagbigay siya ng sari-saring datos at mga makukulay na kuwento na kinaaliwan at kinapulutan ng aral ng mahigit isang daan sa mga Pilipinong dumalo. Tinalakay ni Ginoong Tiongson ang mga hakbang na dapat gawin kagaya ng pag-iipon ng tatlumpung porsiyento ng kita, pagbayad ng utang, pagtuto na tumanggi sa sobrang hiling ng mga kamag-anak, pag-iwas sa mga luho, at regular na pagpundar para sa negosyo, puhunan sa merkado, paseguruhan, at iba pang paraan.
Ninais ng Konsulado na talakayin ang usapang pinansiyal ng mga Pilipino sa Hong Kong sa kadahilanang marami sa kanila ang nalulubog sa utang at hindi nagagawang makapag-ipon kahit na ilang taon na silang kumikita ng mahigit dalawampung libong piso kada buwan.
Magsasagawa ang Konsulado ng mga susunod pang pagtitipon simula sa Oktubre 2013 para mas masusi pang pag-usapan ang paksang ito. WAKAS