Ika-30 ng Agosto 2013 - Alinsunod sa Pampanguluhang Proklamasyon Blg. 1041, s. 1997 na nagtatakda ng buwan ng Agosto bilang pagdiriwang ang Buwan ng Wikang Pambansa, pinangunahan ng Konsulado Heneral ng Pilipinas sa Sydney ang isang pag-aaral ng mga simpleng salitang Pilipino para sa labingdalawang (12) batang Pilipino na inampon ng mga Australyanong magulang.
Ang mga bata ay may edad tatlo (3) hanggang labintatlong (13) taong gulang. Marami sa kanila ay inampon noong sila ay mga sanggol pa lamang kaya hindi namulat sa pagsasalita ng Pilipino. Ang pag-aaral ay ginanap sa Bulwagang Rizal ng Konsulado noong ika-17 ng Agosto mula ika-10 hanggang ika-11:30 ng umaga.
Kinausap ng Konsulado sina Ginoong Romeo Cayabyab at ang kanyang asawa, si Gng. Verma Cayabyab, upang maghanda ng isang programa na kung saan ang mga batang ito ay matututo ng mga simpleng salitang Pilipino na maaaring maging pundasyon ng kanilang kaalaman tungkol sa wikang Pilipino. Si Gng. Cayabyab ay tinulungan nina Gng. Evelyn Alejandrino at Ginoong Jhansen Cayabyab sa pagdaos ng isang pag-aaral kung saan ang mga bata at ang kanilang mga Australyanong magulang ay natuto ng panimulang mga salita na madaling maintindihan ng mga bata.
Tinuruan ang mga bata at ang kanilang mga magulang kung paano magpapakilala ng sarili, kasama na rin ang paggamit ng salitang tatay, nanay, kuya, ate, lolo at lola at ng paggamit ng po at opo. Ang Pilipinong alpabeto ay itinuro sa pamamagitan ng awiting “Abakada”. Upang ituro ang mga pangalan ng mga pangkaraniwang bagay (baso, tinapay, bulaklak, tubig, atbp.) at mga pang-uri (pula, asul, dilaw, malaki, maliit, atbp,) ay naghanda ng mga gamit at presentasyong biswal tungkol sa pagpunta sa tabing-dagat, na kinagiliwan ng mga bata. Ang mga bahagi ng katawan (ulo, mata, ilong, tainga, bibig, kamay, paa, atbp,) ay itinuro naman sa pamamagitan ng laruang ‘clay’ sa iba’t-ibang kulay na hinugis ng mga bata upang bumuo ng katawan. Pagkatapos nito ay itinuro sa kanila ang awiting “Sampung mga Daliri” upang lalo nilang matandaan ang mga salita. Ang awiting “Kung Ikaw ay Masaya” ang nagwakas sa maikling aralin ng mga bata.
Pagkatapos ng pag-aaral, nagkaroon ng seremonya na kung saan ang bawat bata at ang kanilang mga magulang ay binigyan ng sertipiko ng kanilang pagkumpleto ng maikling aralin ng panimulang salitang Pilipino.
Pinasalamatan ni Konsul Heneral Louis ang mga tagapagturo sa kanilang inihandang leksyon na kanilang ginawang makulay, aktibo at kawili-wili para sa mga bata at pati na rin sa mga magulang. Pinasalamatan rin ni Konsul Heneral Louis ang mga magulang at mga bata sa kanilang masiglang paglahok sa klase. Hinimok ni Konsul Heneral Louis ang mga Australyanong magulang na patuloy na buhayin at buksan sa isipan ng kanilang mga anak ang kulturang Pilipino.
Ito ay ang pangalawang pagkakataon na dumalo ang mga magulang at kanilang mga anak sa gawain ng Konsulado. Noong ika 9 ng Hunyo 2013 ay tinuruan ang mga bata tungkol sa watawat ng Pilipinas, Pilipinong kasuotan, mga bayani, at mga larong Pilipino (sipa, patintero, sungka, palo-sebo, atbp.) bilang paggunita sa Araw ng Kalayaan.
Bunga ng maagang paanyaya ng Konsulado Heneral, ang samahan ng mga Pilipino sa New South Wales ay naghanda ng mga ibat-ibang gawain sa buwan ng Agosto upang ipagdiwang ang Buwan ng Wikang Pambansa. Kabilang dito ang iba’t-ibang Pilipinong organisasyon na magdaraos ng balagtasan at mga paligsahan sa wikang Pilipino. Ang mga Pilipinong mamamahayag sa New South Wales ay maglalahad din ng mga balita sa radyo at website sa wikang Pilipino. WAKAS