03 Setyembre 2013 - Naging masigasig ang mga organisasyong Pilipino sa New South Wales (NSW) sa pagdaos ng iba’t-ibang gawain upang isulong ang kahalagan ng wikang Pilipino bilang tugon sa paghikayat ng Konsulado Panlahat ng Pilipinas sa Sydney na magdaos ng mga gawain para sa pagdiriwang ng Agosto bilang “Buwan ng Wikang Pambansa.”
Paligsahan sa Wikang Pambansa ng Philippine Language and Cultural Association of Australia (PLCAA)
Noong ika-24 ng Agosto 2013, isang programa para sa mga nagwagi sa “Paligsahan sa Wikang Pambansa” ang itinanghal ng Philippine Language and Cultural Association of Australia (PLCAA), isang organisasyon ng mga Pilipinong nakatira sa Penrith, NSW, na nagsasagawa ng klase sa wikang Pilipino tuwing Sabado. Ang paligsahang nabanggit ay isang kompetisyon ng talino sa wikang Pilipino na sinalihan ng mga batang mula 6 hanggang 12 taong gulang at ginanap sa loob ng tatlong linggo habang ang mga bata ay dumadalo sa kanilang mga klase sa PLCAA.
Nagpasalamat si Ginoong Danny Rosales, Pangulo ng PLCAA, sa suporta ng mga dumalo sa programa at sa mga nakisali sa kompetisyon. Ibinalangkas ni Ginoong Rosales kung paano nagkaroon ng Wikang Pambansa sa pamamagitan ni Pangulong Manuel L. Quezon, at binanggit na ang paligsahan ay inisyatibo ng PLCAA bilang tugon sa paghikayat ng Konsulado.
Pinasalamatan ni Ginoong Jose Jacinto Morales, Tagapamahalang Administratibo ng Konsulado, ang PLCAA sa pangunguna ni Ginoong Rosales, sa pagdaraos ng nasabing paligsahan. Kanyang pinuri ang pagsisikap ng PLCAA na ituro sa pangalawang henerasyon ng mga Pilipinong-Australyano ang kultura at wikang Pilipino at hinikayat ang grupo na magpatuloy sa gawaing ito. Pinuri rin ng panauhing pandangal, si Ginoong David Bradbury, isang Miyembro ng Parliamento ng Australya at kinatawan ng Lindsay, ang kontribusyon ng PLCAA sa pagkakaisa ng komunidad ng mga Pilipino sa Lindsay.
Ang koro ng PLCAA ay umawit ng “Ang Pipit” habang ang mga batang sumali sa kompetisyon, suot ang baro’t saya, ay umawit naman ng “Leron Leron, Sinta,” na kinagiliwan ng mga manonood.
Balagtasan ng Tagalog Association of Australia Inc. (TAA)
Noong ika-2 ng Setyembre 2013, idinaos ng grupong Tagalog Association of Australia, Inc. (TAA) ang isang balagtasan sa ilalim ng temang “Ang Wika Natin ay Wikang Katarungan at Kapayapaan.”
Ang balagtasan ay pinangunahan ni Ginoong Danny Peralta, Pangulo ng TAA, bilang Lakandiwa at ang paksa ay “Sa ating bayan, may kapayapaan ba o wala?” Si Gng. Aida Morden ay nagtanggol ng posisyon na ang bayan ay may kapayapaan at si Ginoong Ross Aguilar naman ay kumalaban sa posisyong ito. Sa pamamagitan ng mahusay na pakikipagtalo gamit ang malalim na pananalita, matalinong pagsagot at pabirong pasaring ay lubos na nasiyahan ang mga manonood sa balitaktakan ng dalawang panig. Ayon sa mga nakasaksi sa balagtasan, hindi lamang sila natuto tungkol sa usapin ng kapayapaan sa Pilipinas kundi sila rin ay nawili sa lalim at ganda ng wika nating mga Pilipino. Walang nagwagi sa dalawang panig dahil ang Lakandiwa ay nagbigay ng pantay na hatol sa dalawang magkatunggali dahil sa kanilang ipinamalas na galing sa pagdepensa sa kanya-kanyang pananaw sa mga paksang napili.
Sa palatuntunang naganap ay naipakita rin ang kagandahan ng kulturang Pilipino sa pamamagitan ng mahusay na pag-awit ng mga kundiman ng Sydney Sonata Singers na kinagiliwan ng lahat.
Naghandog rin ng mga popular na Pilipinong awitin ang mga Pilipinong-Australyanong mang-aawit na sina Bb. Lilian delos Reyes, Ginoong Rene Sanchez, at Ginoong Chad Peralta.
Sa kanyang maikling pananalita, pinasalamatan ni Konsul Marford Angeles ang TAA sa pagsasaganap ng balagtasan at programa na siyang nagmulat sa mga Pilipino sa NSW sa kagandahan at kahalagahan ng ating sariling wika. Sinabi niya na lalong dapat mapahalagahan ang sariling wika ng mga Pilipino sa labas ng bansa upang mapanatili natin ang ating kultura at pagiging Pilipino.
Iba’t-ibang gawain sa pagdiriwang ng Wikang Pambansa
Bukod sa mga nabanggit, ang buong komunidad ng mga Pilipino sa NSW ay nagsagawa ng iba’t ibang gawain sa pagdiriwang ng Wikang Pambansa. Ang Philippine Community Council (PCC), ang grupo ng mga organisasyong Pilipino sa NSW, ay nagsulong upang gamitin ang wikang Pilipino sa kanilang mga komunikasyon, sa sulat, at email, at sa kanilang programa. Ang mga ibang lupon at organisasyon ng mga Pilipino sa NSW ay nakilahok naman sa paggamit ng wikang Pilipino sa kanilang mga gawain.
Ang mga bumubuo ng Pilipinong media sa NSW ay ginamit rin ang wikang Pilipino sa kanilang programa at pagbabalita sa radyo, sa pahayagan at sa kanilang website, at isinulong ang Pilipinong tula, dula, awitin at komentaryo sa buwan ng Agosto.
Ipinaabot ni Konsul Heneral Anne Jalando-on Louis sa mga miyembro ng komunidad ng mga Pilipino sa NSW, sa bawat kanyang mapuntahang okasyon, ang kanyang pasasalamat dahil sa tunay na napahalagahan ng buong komunidad ang wikang Pilipino at nananatiling buhay sa puso ng mga Pilipinong taga-NSW ng pagmamahal sa sariling wika. WAKAS