MENU

 

Agana  Buwan ng Wika 1

03 Setyembre 2013 - Malugod na pinapaalam ng Konsulado Panlahat ng Pilipinas sa Guam na ang Federation of Pangasinanses on Guam, isa sa mga pinakamalaking samahan ng mga Filipino sa Guam, ay nakiisa at nanguna sa huling linggo ng pagdiriwang ng Buwan ng Wikang Pambansa. Sa ngalan ng pangulo ng Federation of Pangasinanses on Guam na si Major Vic Rivo, ang pangalawang pangulo na si Gng. Lolita Gagaoin ay siyang namuno sa grupo at pagtatanghal ng programa. 

Sinimulan ang programa sa pagtataas ng watawat na pinangunahan ni Gg. Cesar Palisoc, Gg. Cipriano Medrano at Gng. Annaliza See. Ang pag-awit ng Lupang Hinirang ay pinangunahan at kinumpasan ni Gg. Alvin Ancheta samantalang ang Panunumpa sa Watawat ay pinangunahan ni Gng. Lolita Gagaoin. 

Ang pagtataas ng watawat ay nilahukan ng mga opisyal at miyembro ng Federation of Pangasinanses, kasama ang dalawang kasapi ng pang-ika-32 Lehislatura ng Guam na sina Senador Rory Respicio at Senador V. Anthony Ada na itinuturing ng samahan na mga anak ng Pangasinan. 

Ang maikling programa ay sinundan ng isang masaganang almusal ng mga nakagawiang mga pagkaing Pilipino na inihanda ng Federation of Pangasinanses.  Tampok sa almusal ang tanyag na daing na bangus galing Pangasinan. Mayroon ding sinangag, pritong itlog at longganisa, champorado at tuyo na sinamahan din ng mainit na tsokolateng tablea at kape. 

Ang Konsulado Panlahat ay natutuwa na matagumpay nitong nahikayat ang mamayang Pilipino sa Guam, lalong lalo na ang apat na pinakamalaking kapisanan ng mga Pilipino sa isla na kinabibilangan ng Filipino Community of Guam, Filipino Ladies Association of Guam, Guam Filipino Artists, at Federation of Pangasinanses on Guam, na lumahok sa isang buwan ng pagdiriwang ng Buwan ng Wikang Pambansa at maiangat at mapalaganap ang kanilang kaalaman at kamalayan sa sarili nating wika.

Ang wikang Pilipino ay nagsisilbing instrumento upang ang magka-unawaan ang bawat Pilipino saan man ang kaniyang pinagmulan. Dahil dito, makikita din natin ang kahalagahan ng wika sa pag-unlad ng ating bansa. WAKAS

Agana  Buwan ng Wika  2