04 Setyembre 2013 - Sa pagtatapos ng pagdiriwang ng Buwan ng Wikang Pambansa noong Agosto 30, idinaos ng Konsulado Panlahat ng Pilipinas sa Guam ang isang seremonya sa pagkilala sa mga sumali sa Maglikha para sa Pambansang Wika, isang patimpalak sa paglikha ng karatula o poster alinsunod sa temang “Wika Natin ang Daang Matuwid” nitong nakaraang buwan ng Agosto. Ang patimpalak ay ginawa bilang pakikiisa ng Konsulado sa Komisyon sa Wikang Pilipino (KWF) sa pangunguna nito sa taunang pagdiriwang ng Buwan ng Wikang Pambansa.
Iginawad ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) ang sertipiko na nilagdaan ng Tagapangulo nito na si Virgilio S. Almario ang mga Katibayan ng Pagpapahalaga sa mga sumusunod na kasapi ng Guam Filipino Artists (GFA) na lumahok sa paligsahan: Rubelita C. Fabro-Torres; Yeon Sook Park; Milagros K. Moguel; Anita P. Dimalanta-Bendo; Armando Germar; Caroline O. Baal at Jonathan V. Abella.
Samantalang ang sertipiko ng Katibayan ng Pagkilala naman ay iginawad kay Gg. Ariel Dimalanta, ang nanalo sa patimpalak, kasabay ng premyong “cash” galing sa Konsulado.
Ang likha ni Gg. Dimalanta ay nagsasagisag ng Pilipinas – kumakatawan sa salitang “Wika” na nagbibigay halaga sa pagdiriwang. Ang ginamit na “hugis ng letra” sa pamagat na nagpapadama ng isla na pakiramdam. Ang kulay na inilapat sa letra na “luntian” ay ang kalikasan. Ang “bandila ng Pilipinas” (sa hugis ng kalabaw) ay kumakatawan sa wika ng Pilipinas at ang ‘kalabaw” ay ang sagisag ng kumakatawan sa pamanang kultura at tradisyon ng Pilipinas. Ang “batang lalaki na nakasakay sa kalabaw” ay kumakatawan sa isang batang Pilipino sa hinaharap na bagong henerasyon.
Ang pagpili ng nanalo ay ginanap noong ika-16 ng Agosto sa Konsulado Panlahat. Ang mga hurado ay kinabibilangan ni Konsul Edgar Tomas Q. Auxilian, bilang Tagapangulo, kasama ang apat na miyembro na sina Gg. Roy Adonay (Businessman at Pangulo ng Filipino Community of Guam), Gg. Rolly Zepeda (Guro ng Sining sa St. Anthony Catholic School at Pangulo ng Guam Filipino Artists), Gng. Loisa Cabuhat (Businesswoman at Pangulo ng Filipino Ladies Association of Guam) at Rev. Fr. Carlos Vila (Parochial Vicar ng Saint Anthony/Saint Victor Church sa Tamuning).
Makaraan ang pagpili ng nanalo sa patimpalak, naging panauhin si Gg. Ariel Dimalanta kasama si Konsul Auxilian sa programa sa radyong “Damdaming Pinoy” noong Agosto 17 para ipahayag ang nanalo sa patimpalak sa karatula, sa istasyong 101.9 Megamixx sa Guam, kung saan naging panauhin din si Konsul Auxilian sa programang “Kumusta Kabayan” noong Hulyo 28 para iparating sa mga nakikinig ang mga nakapintong programa ng Konsulado at ng komunidad ng mga Filipino sa Guam sa loob ng buwan ng Agosto bilang pagdiriwang ng Buwan ng Wikang Pambansa.
Pagkatapos ng pagkakaloob ng mga sertipiko sa mga sumali at nanalo noong Agosto 30, ito ay sinundan ng konting salo-salo. Habang nagsasalu-salo sa hinandang meryenda, si Gng. Mila Moguel ay gumawa naman ng isang patimpalak ng mga salawikaing Pilipino na nilahukan ng miyembro ng Konsulado Panlahat, mga piling panauhin at miyembro ng “Guam Filipino Artists”.
Ang pag-gawad ng sertipiko ay dinaluhan ng mga piling bisita tulad nina Senador Dennis G. Rodriguez,Jr. ng pang ika-32 Lehislatura ng Guam, kasama ang kanyang butihing maybahay na si Gng. Lena Rodriguez, Gg. Joseph Artero-Cameron, Pangulo ng “Guam Chamorro Affairs” at Ehekutibong Direktor ng “Guam Council on the Arts and Humanities” (CAHA), mga hurado ng patimpalak at mga opisyal at miyembro ng Guam Filipino Artists.
Ang patimpalak sa paglikha ng karatula ay ginawa ng Konsulado Panlahat para sa Guam Filipino Artists (GFA) bilang pagsuporta at pagkilala sa kanilang talento at gayundin bilang pasasalamat sa kanilang walang humpay na pakikiisa at pakikilahok sa pagtataguyod ng sining ng Pilipinas at programang pang-kultura ng Konsulado Panlahat. WAKAS