4 September 2013 - Ang Pasuguan ng Pilipinas sa Yangon sa pamumuno ni Embahador Alex G. Chua ay nakiisa sa pagdiriwang ng Buwan ng Wikang Pambansa na ipinagdiriwang sa Pilipinas tuwing buwan ng Agosto.
Hinikayat ng Pasuguan ang mga miyembro ng pamayanan ng mga Pilipino sa Myanmar na sumulat ng sanaysay ayon sa tema ng pagdiriwang na “Wika Natin ang Daang Matuwid”. Kalakip nito ay ang sanaysay ni Ginoong Melgabal Capistrano, Halal na Pangulo ng Pamayanan ng mga Pilipino sa Myanmar na may pamagat na “Ang Wikang Inklusibo Para sa Sustenidong Kaunlaran”. Maari ring bisitahin ang http://www.philembassy-yangon.com/index.php?id=49 para sa kabuuang sanaysay.
Noong ika-30 ng Agosto, isang gawain para sa mga bata na may temang “Matutuhan ang Wika at Kultura Natin” ay isinagawa sa Bulwagang Rizal ng Pasuguan. Sa pamumuno ni Ginoong Daniel Te, ang mga bata ay binigyan ng kaalaman tungkol sa wika at kultura ng Pilipinas. Upang maging masaya ang talakayan, nagkaroon ng pagaawitan at palaro para sa mga bata. Kanila ring iginuhit at kinulayan ang watawat ng Pilipinas.
Nagkaroon ng isang simpleng salu-salo pagkatapos ng gawain ng mga bata. Isang litson ang pinagtulungang lutuin sa tulong ng mga lokal na kawani ng Pasuguan. Layunin nito ang maipaalam sa mga bata ang tradisyong Pilipino na kung saan ang litson ay bahagi ng bawat pagdiriwang sa Pilipinas. END