09 Setyembre 2013 – Bilang paggunita sa Buwan ng Wikang Pambansa at alinsunod sa tagubilin ng Pampanguluhang Proklamasyon Blg. 1041, s. 1997, ipinagdiwang ang Buwan ng Wikang Pambansa sa Lebanon sa buong buwan ng Agosto 2013, sa pamamagitan ng isang patimpalak ng pagkatha ng orihinal na sanaysay o tula na ayon sa tema ng pagdiriwang ng Buwan ng Wikang Pambansa.
Noong ika-2 ng Agosto 2013, ang Embahada ng Pilipinas sa Beirut ay nagpalabas ng patalastas sa Facebook upang hikayatin ang mga Pilipino sa Lebanon na sumali sa patimpalak. Mabilis na kumalat ang balita at ang Embahada ay nakatanggap ng labing-dalawang lahok na nanggaling sa labing-dalawang Pilipino na nagtratrabaho sa Lebanon.
Noong ika-31 ng Agosto, pinangunahan ng Embahador ng Pilipinas sa Lebanon na si Ginang Leah M. Basinang-Ruiz ang isang programa na idinaos upang piliin ang pinakamagandang tula o sanaysay ayon sa mga itinakdang pamantayan ng Embahada. Inanyayahan ng Embahada na dumalo sa programang ito ang mga nagsumite ng kanilang mga lahok upang sila ang magbasa ng kanilang mga tula. Sa kadahilanang may mga trabaho sila nong araw na iyon, ang ilan sa mga kalahok ay hindi nakarating. Kabilang sa mga hurado ay tatlong opisyales ng Embahada at dalawang miyembro ng komunidad ng Pilipino na kaugnay sa tanggapan ng mga sangay ng Nagkakaisang Bansa sa Lebanon.
Bago nagsimula ang pagbasa sa mga lahok at paghusga nito, nagbigay si Embahador Ruiz ng mensahe kung saan pinasalamatan nya ang lahat ng dumalo sa palatuntunan, kasama dito ang mga nagbigay ng kanilang mga lahok at ang mga hurado na nagbigay ng kanilang oras upang maisagawa ang timpalak. Pinuri ni Embahador Ruiz ang mga sumali at binigyan niya ng diin na puro magagalng at talagang may kakayahan sila na kumatha ng tula o sanaysay. Binigyang diin din ni Embahador Ruiz ang kahalagan ng wikang Pilipino sapagkat ito ay nagsisilbing pagkakakilanlan natin ng ating sarili at kamalayan nating lahat bilang mamamayang Pilipino. Sinabi din ni Embahador Ruiz na ang tema ng pagdiriwang na “Wika Natin ang Daang Matuwid,” ay naayon sa patakaran at prinsipyo ng kasalukuyang administrasyon na “Daang Matuwid.”
Sa harap ng mga hurado, ng mga dumalo na mga manggagawang Pilipino sa Lebanon at mga kawani ng Embahada, binasa ang mga tula at sanaysay at ito ay hinusgahan.
Ang nagkamit ng pinakamataas na puwesto ay si Bb. Gemmabel Callos na tumanggap ng tatlong daang dolyar bilang gantimpala maliban sa nakakuwadrong Katibayan ng Pagpapahalaga. Ang pangalawang puwesto naman ay nakamit ni Bb. Nancy Ledesma at ang pangatlong puwesto naman ay nakamit ni Bb. Christine Callos. Ang mga nanalo ng pangalawa hanggang pang-limang pwesto ay nakatanggap din ng papremyong pera at Katibayan ng Pagpapahalaga. Ang nalalabing kalahok na hindi nanalo ay nakatanggap din ng nakakuwadrong Katibayan ng Pagpapahalaga.
Binasa sa harap ng mga kawani ng Embahada at mga Pilipinong manggagawa na kasalukuyang nasa pangangalaga ng Philippine Overseas Labor Office (POLO) ang tula na kinatha ni Bb. Gemmabel Callos noong ika-4 ng Setyembre pagkatapos ng seremonya ng pagtataas sa watawat ng Pilipinas. Ang mga iba pang lahok ay babasahin din tuwing Lunes sa mga susunod na linggo. WAKAS