Ika-09 ng Setyembre 2013 - Idinaos nung ika-18 ng Agosto sa Pasuguan ng Pilipinas sa Nairobi ang isang palatuntunan para sa pagdiriwang ng Buwan ng Wika.
Pagkatapos ng sabay-sabay na pagkanta ng Lupang Hinirang na pinamunuan ni G. Randy Gudaca, binasa ni Consul Donna Feliciano-Gatmaytan, pangsamantalang Tagapangasiwa ng Pasuguan ang kanyang ginawang tula na pinamagatang “Ang Ating Wika” na siyang nagsilbing Pampasiglang Pananalita. Sa tula ni Bb. Feliciano-Gatmaytan ipinaalala niya na maraming wika ang mga Pilipino tulad ng Cebuano, Bicolano, Bisaya, Tagalog at mayroon ding Pambansang Wika, ang Filipino. Sinabi niya na mahalaga na gamitin ang mga wikang ito. Aniya, “Napaka-ganda at napakayaman ng mga wika ng Pilipino. Sana ay alalahanin natin at pagyamanin natin ito. Dahil sa wika ay nailalahad natin ang kwento ng ating lahi. Ipamana natin ito sa susunod na mga henerasyon. Ituro natin ang ating wika sa ating mga anak at mga kabataang Pilipino, maging sa mga dayuhan kahit saan man tayo naroon.”
Nagkaroon din ng Parada ang mga bata. Ang mga bata ay binansagang mga Munting Butuin at kumatawan sa mga lalawigan ng kanilang mga magulang -- ang Aklan, Baguio, Bicol, Cavite, Dumaguete at mga lungsod ng Kalakhang Maynila. Sama-sama silang pumarada sa entablado at isa-isang nagpakilala. Sinambit din ng ilan sa kanila ang ilang ginintuang Salawikain na pagpapa-alala ng ating magagandang kinaugalian at gabay sa pamumuhay at pakikitungo sa kapwa. Naging kalugod-lugod panoorin ang karikitan ng mga bata, and bagong henerasyon at naka-bubuhay ng damdamin na makita silang nakiki-sali sa pagpupugay at pagpapahalaga sa wikang pambansa.
Lalo pang pinahangga ang mga manunuod sa galing ng mga bata nang bigkasin ng pitong-taong gulang na si Lian Arago ang tulang “Sa aking mga Kababata”, ni Gat Jose Rizal.
Ang mga Pari at Madre naman ay nagtanghal ng isang maikli ngunit kasiya-siyang sarswela na pinangunahan at pinalooban ng harana para sa mga manunuod. Ang mga nagsiganap ay sina Padre Narciso Cellan, Padre Eustaquio Mula, Padre James de la Cerna, Madre Esperanza Paragua, Madre Elizabeth Paragua, Madre Virginia Abon, Madre Tessie Mendoza, at Madre Estrelita Tuscano.
Sa isang balagtasan naman nagpaliksahan sa galing sina G. Pedro Berena laban kay Dr. Acosta tampok ang paksang “Dapat bang palitan ang pangalan ng Pilipinas?” Si G. Romeo de la Cruz ang nagsilbing Lakandiwa.
Nagpakitang-gilas sa pag-tula si Bb Gloria Salazar. Kanyang binigkas ang tula ni Jose Corazon de Jesus na may pamagat na “Ang Pagbabalik”.
Nagkaroon din ng pagtuturo ng kanta para sa mga bata tulad ng “Bagong Alpabetong Pilipino” at “Kumusta” na pinamunuan ni Bb Jekelyn Arago.
Nanalo naman sina Bb Liv Morano-Castillo, G. Edward John Rodriguez at G. Isabelo Rodriguez sa Tagisan ng Talino.
Sina Bb. Jessery de Puyart at G. Pedro Berena ang nagsilbing mga guro ng palatuntunan.
Bilang pangwakas, nagsi-awitan ng mga paboritong kantang-Pilipino ang mga nagsidalo hanggang sa kailaliman ng gabi pagkatapos nilang pagsaluhan ang inihandang Arroz Caldo, Adobo, Ginisang Gulay, Pancit at siyempre ang Lechon. WAKAS