Ika 10 ng Setyembre 2013- Alinsunod sa kautusan ng Komisyon ng Wikang Pilipino ay ipinagdiwang ng Konsulado Panlahat ng Pilipinas sa Los Angeles ang Buwan ng Wika nang nakaraang Agosto, kaagapay ang sambayanang Pilipino sa Timog California. Layunin ng opisyal na okasyon na palaganapin at dakilain sa mga Amerikanong-Pilipino ang Wikang Pilipino bilang Wikang Pambansa.
Upang maidaos ang pagdiriwang ay isinagawa ng Konsulado ang mga sumusunod na programa:
“Pagpupugay sa Watawat ng Pilipinas” tuwing Lunes, kasabay ang pagbigkas ng Panunumpa sa Watawat, Propesyon at Panalangin ng Kagawaran ng Ugnayang Panlabas sa wikang Pilipino;
Pagpapaliwanag sa madla ni Konsul Heneral Ma. Hellen Barber De La Vega ng kahalagahan ng paggunita ng Buwan ng Wika at ng Komisyon ng Wikang Pilipino, kasabay sa paghikayat sa mga mamamayan, lalo na sa mga kabataan na pag-aralan at tangkilikin ang wikang Pilipino;
Pagpapaskil ng mga karatulang may mga salawikain at pagpapa-alala ng kahalagahan ng wikang Pilipino;
Pagpapatugtog ng musikang at pagpapalabas ng pelikulang Pilipino at ilang pang-sining na pagtatanghal sa bulwagang pampubliko ng Konsulado;
Pagdalo bilang pangunahing panauhin ng Silver Lake Adult Day Care Center sa kanilang paggunita sa Linggo ng Wika na ginanap noong ika-20 ng Agosto 2013;
Paglahok sa 7th Annual Youth Congress at 1st Dr. Jose P. Rizal Monument Movement (JPRMM) Youth Conference katuwang ng Philippine Heritage Institute International (PHII) Youth Congress at JPRMM noong ika-24 ng Agosto 2013, upang ipakilala sa mga kabataang Pilipino na ipinanganak sa Amerika ang ating mga bayani, bilang paggunita sa Araw ng mga Bayani. Si Konsul Heneral Ma. Hellen Barber De la Vega ang siyang naging pangunahing tagapagsalita, samantalang si Pangalawang Konsul Heneral Daniel R. Espiritu naman ang naging tagapaglahad at tagapagpanayam tungkol sa mga bayaning Pilipino.
Bilang pagtatapos ng pagdiriwang ng Buwan ng Wika, ang Konsulado, katuwang ang Philippine Institute of Language, Arts and Culture (PILAC), ay naglunsad ng “Isang Gabi ng Harana at Balagtasan” na ginanap noong ika-30 ng Agosto 2013.
Ang naging paksa ng Balagtasan ay “Alin ang Dapat Gamitin: Banyaga o SarilingWika?” na ginampanan ng mga batikang manunula, kasama ng mga magagaling na manunulat ng pangunahing peryodiko sa Los Angeles. Labis ang kasiyahan ng mga panauhin at umani ng papuri ang mga nagtanghal.
Kasama sa programang ito ang Harana ni Willie Manacsa, Robert Alba at iba pang awitin mula sa mga batikang mang-aawit kagaya nila Jonnie Feliciano ng ABS-CBN Foundation International at Gelo Franciso ng Madrigal Singers.
Isang tulang alay kay Manuel L. Quezon rin ang inihandog ng isang batikang Manunula na si Ms. Jovy Alejandrino, na may edad na 80 taong gulang na sya ring gumanap na Lakambini sa Balagtasan.
Ang programa ay nagtapos sa pag-awit ng lahat ng “Bayan Ko”. WAKAS