Ika-10 ng Setyembre 2013 - Ipinagdiwang ng Pasuguan ng Pilipinas sa Vientiane at mga Filipino sa Laos ang Buwan ng Wikang Pambansa sa pamamagitan ng pagdaos ng “Pistahan sa Vientiane” na ginanap noong ika-31 ng Agosto sa Pasuguan.
Mahigit sa 200 Filipino ang dumalo sa isang araw na hitik sa kasiyahan, palaro, pagkain, tulaan, musika, at iba pa.
Sinimulan ang programa ng mga palarong Pinoy para sa mga kabataan tulad ng pabitin, basagan ng palayok at pasahan ng itlog. Sinundan ito ng isang Papet Show na itinampok ang kwento ni Jose Rizal na pinamagatang “Si Pagong at si Matsing.” Ang kwentong ito na muling isinalaysay ni Mr. Virgilio Almario ay naghatid ng mga mabubuting aral at pag-uugali na dapat tularan ng mga kabataang Filipino.
Pinakatampok nang gabing iyon ang ang pinakahihintay na patimpalak sa pagkanta na tinawag na Ang Boses (tugma sa The Voice). Ang nagsilbing hurado at coach ng Ang Boses ay sina G. Erwin Balanay, Gng. Josenita Abecia at G. Evan Roy Bolisay.
Labing-tatlong kalahok (13) ang sumali sa blind audition ng Ang Boses at pito (7) ang umusad sa final round. Ang pitong kalahok ay binigyan ng kalahating oras upang makausap at maturuan ng kani-kanilang mga coaches. Sila ay inatasang kumanta lamang ng mga Orihinal na Musikang Pilipino o ang tinatawag na OPM.
Ipinamalas ng mga kalahok ang kagalingan sa pagkanta at taos-pusong pagbigay buhay sa musikang Filipino. Malakas na hiyawan at palakpakan naman ang iginanti ng mga manonood. Ang mga hurado ay nagtanghal din at pinasaya ang mga panauhin sa kanilang mga awitin. Naghandog din ng awitin ang Nutri-Band, isang banda na kinabibilangan ng mga Filipino na nagtatrabaho sa Vientiane.
Sa pagdiriwang ng Buwan ng Wikang Pambansa, ang tulang pinamagatang “Tula Para sa Bata” ni G. Arvin dela Peña ay binigkas ng buong puso ni Mimi Buenaobra. Samantala, ang grupo na binubuo ng apat na batang babae na sina Hannah Araña, Mimi Buenaobra, Blessy Maglacion at Agape Love Moreno ay nagsayaw ng Subli at Itik-Itik na lubos na ikinalugod ng mga nanuod.
Itinampok din sa Pistahan sa Vientiane ang masasarap na pagkaing Filipino katulad ng dinuguan at puto, maja blanca, kutsinta, la paz batchoy, arroz caldo, at iba pa.
Sa kanyang mensahe sa mga Filipino sa Laos, inihayag ni Ambassador Maria Lumen B. Isleta na ang Pistahan sa Vientiane ay inulunsad di lamang bilang paggunita sa Buwan ng Wikang Pambansa kundi upang ipagdiwang ang pagiging Pilipino. Hinikayat niya ang lahat na ipagmalaki na sila ay Pilipino.
Ipinarating niya ang kahalagahan ng pagpapalawig ng sariling wikang, kultura, pamana at kaugaliang Filipino. Kanya ring hinikayat ang mga magulang na ituro sa kanilang mga anak ang wikang Flipino na siyang pagpapatunay ng ating kasarinlan. Sa pagtatapos, pinasalamatan niya ang mga dumalo at ang mga tumulong sa pagbuo ng Pistahan.
Matapos ang mensahe ng Sugo ng Embahada, pinarangalan na din ang mga nagwagi sa nakaraang Palarong Pinoy at ang mga nanalo sa Ang Boses. Ginawaran din ng sertipiko ang mga nagtanghal ng gabing iyon at ang mga lupon na responsable sa pagbuo ng Palarong Pinoy at Ang Boses. WAKAS