17 Setyembre 2013 - Bilang pagtatapos ng pagdiriwang ng Buwan ng Wika, nagsama ang Pasuguan ng Pilipinas sa Paris at ang Episcopalian Church ng Paris, sa pamumuno nina Fr. John Donn Bautista at Fr. Irwin Merida, sa pagpapalabas ng dulang Pamaypay, Yantok at Pluma sa Social Hall ng Saints Peter and Paul Chapel sa Paris.
Kasama ng mga lider at iba pang kasapi ng mga iba’t ibang organisasyong Pilipino sa Paris, nanood ng dula si Ambassador Cristina G. Ortega at ang mga opisyales at kawani ng Pasuguan.
Sa kanyang talumpati, hinimok ni Ambassador Ortega na mas lalo pang pag-ibayuhin ang pagpapalawig ng wikang Filipino sa Pransya at sa Monaco sa pamamagitan ng patuloy na pagtuturo nito sa mga kabataan at ang paggamit nito sa araw-araw.
Bago magsimula ang dula, pinarangalan sa araw ding iyon ang mga nanalo sa Patimpalak sa Pagsulat ng Sanaysay. Ang sanaysay ni Gng. Darlina Berhazar na pinamagatang, Wika Natin, Daang Matuwid (tema din ng pagdiriwang ngayong taon na galing sa Komisyon ng Wikang Filipino) ay siyang nagkamit ng ika-unang gantimpala habang ang sanaysay ni Gng. Marivic Sensense Maluyo na pinamagatang Wikang Filipino: Tinig ng Bayan, Tulay sa Pag-unlad ng Pilipinas ang siyang nanalo ng gantimpalang pangkalahatan.
Ang dulang Pamaypay, Yantok at Pluma, sa katunayan, ay binubuo ng tatlong maiikling dula na tumatahak sa buhay ng tatlong kababaihan sa kapanahunan ni Rizal --- si Maria Clara, Leonora at Sisa. Ang dulang ito ay adaptasyon ng mga dula nina Ruth Elyna Mabanglo (Ang Pluma), Nick Pichay (Balutan ng mga Gamit at Pagkain) at Chris Mallado (La Nazarena). Ikinalugod ng publiko ang kanilang panonood nito lalo na ang dula ay nasa wikang Filipino na ipinalabas sa Pransya. Ang kabuuan ng dula ay sa direksyon ni Bb. Connie Chua.
Nagkaroon ng maikling salu-salo na inihanda ng Pasuguan pagkatapos ng dula. WAKAS