18 July 2013 – Patuloy ang assistance na ibinibigay ng Embahada ng Pilipinas sa Riyadh para sa mga overstaying na Pilipino sa Saudi Arabia na nagnanais na makakuha ng exit visa mula sa Jawazat Wafideen.
Tumugon kamakailan ang pamunuan ng Jawazat Wafideen sa Riyadh sa kahilingan ng Embahada upang mapabilis at maisaayos ang proseso sa pagkuha ng exit visa para sa mga overstaying na Pilipino upang makauwi ng Pilipinas. Nagpalabas ng bagong schedule ang pamunuan ng Jawazat Wafideen kung saan ipo-proseso ang dokumento ng mga Pilipino. Ito ay gagawin sa itinakdang schedule kasama ang mga kinatawan ng Embahada.
Ang schedule para sa mga Pilipino ay sumusunod:
Para sa mga babae
Kailan : Martes at Miyekules
Saan : Women’s Section, Jawazat Wafideen
Oras : Mula 8:30 p.m. hanggang 2:30 a.m.
Kinakailangan : Original na iqama; o
Original na pasaporte na may entry visa; o
May fingerprint (basamat) record o printout
Valid na Travel Document o pasaporte
Para sa mga lalaki
Kailan : Huwebes
Saan : Men’s Section, Jawazat Wafideen
Oras : Mula 8:30 p.m. hanggang 2:30 a.m.
Kinakailangan : Original na iqama; o
Original na pasaporte na may entry visa; o
May fingerprint (basamat) record o printout
Valid na Travel Document o pasaporte
Ang lahat ng Pilipinong pupunta sa Jawazat Wafideen ay pinaaalalahan na:
- Magpunta nang maaga sa Wafideen. Kasama sa itinakdang schedule para sa mga Pilipino ang mga mamamayan ng iba pang bansa;
- Siguruhin na walang nakabinbin na rehistro sa sasakyan, utang sa bangko, o traffic violation penalty o iba pang record bago magpunta sa Wafideen. Yaong may mga pending na record o blotter sa pulis ay hindi rin mabibigyan ng exit visa.
- Siguruhin na authentic ang mga dokumentong dadalhin. Maaring makulong ang isang taong may hawak na pekeng dokumento.
Para sa mga Pilipinong walang hawak na (1) original na iqama; o (2) original na pasaporte na may entry visa or entry records; o (3) yaong hindi pa nai-rehistro ang kanilang fingerprint (basamat) sa database o walang printout ng kanilang immigration records ay marapat na makipag-ugnayan sa Embahada. Ang mga ganitong kaso ay ilalapit ng Embahada sa mga kinauukulang opisina ng Saudi Government. WAKAS