16 Hunyo 2015 - Inilunsad ng Pasuguan ng Pilipinas sa Myanmar ang iRehistro kasabay ng pagdiriwang ng mga Pilipino sa Myanmar ng ika-117 Anibersaryo ng Kasarinlan ng Pilipinas na ginanap noong ika-07 ng Hunyo 2015 sa Sule Shangri-La Hotel. Ito’y dinaluhan ng humigit kumulang tatlong daang OFWs.
Ipinaliwanag ni Gng. Nenita G. Feliciano, Consular Assistant ng Pasuguan, ang proseso ng pagpapatala sa internet bilang overseas voter. Kanyang hinikayat ang mga dumalo na gamitin ang iRehistro sa pagpapatala bilang overseas voter at makilahok sa nalalapit na halalan sa Mayo 2016. Aniya, “Isang paraan ang pakikilahok sa halalan sa pakikiisa sa pagpapaunlad ng bansa.”
Hinihikayat ang mga Filipino sa Myanmar na sumangguni sa Pasuguan ukol sa pagpapatala bilang overseas voter sa pamamagitan ng telepono (01) 558-149 at Facebook Page Philippine Embassy Yangon. WAKAS