Kampanya Kontra Fixer Sinimulan ng DFA; 23 Arestado sa Entrapment
Pinaalalahanan ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang mga aplikante sa bago at renewal ng passport na mag-ingat at iwasan ang mga fixer matapos mahuli ang mahigit na 23 na suspek sa pagbebenta ng passport appointment slot sa isinagawang magkakahiwalay na entrapment operations.
Ayon sa ulat ng pulisya, kinilala ang 23 fixers na sina Nenita Ugalde, 63; Noelito Ventura, 46; Marlon Narvaez, 35; Amalia Tagarilo, 44; Marilyn Tabay, 52; Michael Montel, 42; Alejandra Sacdalan, 48; Jonathan Tagarino, 46; Yolanda Villanueva, 45; Gina Carbon, 47; Maila Caluya, 47; Ligaya Banares, 63; Zaldy Pelonia, 52; Lilia Felix, 54; Roselyn Oliveros, 28; Rosalinda Zamora, 40; Criza Mae Castor, 24; Aileen Casita, 51; Marivic Arojo, 33; Mark Justine Doromal, 29; Ricardo Rojas, 50; Vilma Evite, 46; at Evangeline Soriano, 52.
Sinabi ni Chief Supt. Tomas Apolinario, Southern Police District director, ang mga suspect ay nalambat sa magkakahiwalay na operasyon na isinagawa sa ASEANA, Parañaque; sa Libertad, Pasay; at sa Gate 3 Plaza sa Taguig.
Dagdag pa ni Apolinario na ang operasyon ay nilahukan ng mga pulis na nagpanggap na mga passport applicant. Ito ay resulta ng matagal na surveillance work kung saan minanmanan ang magkakaibang DFA offices sa Metro Manila simula pa noong Feb. 15.
Ang surveillance ay isinagawa sa hiling na rin ng Department of Foreign Affairs, matapos mabalitaan na may mga fixers na nagbebenta ng kanilang passport appointment slots kapalit ng kabayarang pera.
Nahaharap sa kasong violation of Republic Act No. 9485, o estafa, ang mga nahuling suspect.
Sa isang panayam, sinabi ni Ricarte B. Abejuela III, Acting Director ng Passport Division of the Office of Consular Affairs, na malaki ang pasalamat ng ahensya sa SPD para sa mabilis na aksyon ng pulis kontra sa problema sa fixer.
Nagbigay naman ng babala si Abejuela na parehong kahihinatnan ng mga taong nagbabalak na magpatuloy na gumawa ng iligal sa DFA kagaya ng pagbebenta ng passport appointments kapalit ng kabayaran.
“Ang pag-schedule po ng appointment online ay libre at wala pong bayad,” wika ni Abejuela, at ang mga Facebook posts na nagsasabing nagbibigay ng passport appointments ay pawang mga scam.
Ayon pa sa opisyal, ang DFA ay nagbubukas na ng mga panibagong slots araw araw para sa buwan ng Marso hanggang Hunyo sa nais makakuha ng passport appointments.
“Ang mga aplikante lamang po ay dapat na masugid na magtungo sa online application site ng DFA upang maagang makakuha ng puwesto at hindi maubusan,” dagdag pa ni Abejuela.
Upang maibigay ang serbisyo sa malaking demand para sa slots, nagbukas din ang DFA ng Passport on Wheels (POW) programs kung saan apat na sasakyan ng POW ang nag-iikot sa iba’t-ibang local government units para magproseso ng aplikasyon para sa appointment. END