Ang Pagdiriwang ng Buwan ng Wikang Pambansa 2024 sa Kagawaran ng Ugnayang Panlabas
Ang Tanggapan ng Diplomasya Kultural (DFA-OCD) at Pambansang Komisyon ng Pilipinas para sa UNESCO (UNACOM)
(Larawan mula kay DFA-OPD Cielo Marie Vicencio)
MANILA Ika-16 ng Agosto 2024 – Inilunsad noong ika-9 ng Agosto 2024 ang pagdiriwang ng Buwan ng Wikang Pambansa 2024 sa Kagawaran ng Ugnayang Panlabas na may temang Filipino, Wikang Mapagpalaya sa pangunguna ng Tanggapan ng Diplomasya Kultural (DFA-OCD) at ng Pambansang Komisyon ng Pilipinas para sa UNESCO (UNACOM), na sinuportahan rin ng Pambansang Komisyong Pangkasaysayan ng Pilipinas (NHCP). Itinampok ang isang espesyal na panulukan sa silid-tanggapan ng Kagawaran ng Ugnayang Panlabas kung saan maaaring lumikha ang mga kawani at bisita ng mga tula at iba pang mensahe ukol sa wikang Filipino.
Ipinaskil rin sa mga elevator ng gusali ang mga piling tula ng mga makakatang Pilipino - Mga Laruan at Ang Laya ay Hindi Layaw ng Pambansang Alagad ng Sining Virgilio S. Almario (Tagalog), Kun Minsan an Paggiromdom Daing Pandok at Pampang Kan Sakong Pagkamoot ni Marne L. Kilates (Bikol) [isang manunulat na umani ng gantimpala sa Gawad Palanca], Brain Drain sa mga Maestra at Ulan sa Panultihon ni Dr. Erlinda Kintanar-Alburo (Cebuano), at Alang Kwenta Ing Katasan at Bakit Isumpa Ra Ing Inalal Da Ka? ni Poeta Laureado Francisco Guinto (Kapampangan). Kasama rin sa pagdiriwang ang pagtampok ng pagsasalin ng Decálogo ni Apolinario Mabini mula Espanyol sa wikang Filipino.
Layon ng pagdiriwang na ito na ipabatid sa lahat ang kahalagahan ng iba’t ibang wika ng Pilipinas bilang katuwang sa pagpapalawig ng kulturang Pilipino sa buong mundo. Layunin rin ng proyektong ito na ipadama ang kahalagahan ng pag-aaral at paggamit ng ating mga wika sa pakikibahagi ng pagtataguyod ng pagkakaisa at pag-unlad ng ating bansa.
Pinamunuan ng Katuwang na Kalihim ng Diplomasya Kultural, ang Kagalang-galang na Celia Anna M. Feria, ang paglulunsad ng pagdiriwang sa pamamagitan ng pagbigay ng kanyang pambungad na talumpati kung saan binigyang-diin niya ang kahalagahan ng paggamit at pagkilala sa wikang Filipino bilang mahalagang instrumento sa pagpapalawig ng kulturang Pilipino sa pagsuporta sa mga patakarang panlabas ng Pilipinas. Ani ng Katuwang na Kalihim, “Kailangang maalala natin na sa buwan ng Agosto ay ang Buwan ng Wikang Pambansa. Ipagpatuloy natin ang pag-alala at pag-alaga sa ating mga wika.” Kanya ring inanyayahan ang mga kawani at mga bisita ng Kagawaran na lumikha ng kanilang mga tula gamit ang anumang wika sa Pilipinas.
Nagbigay din ng maikling talumpati ang kinatawan ng UNACOM na si Ginoong Rajee Florido kung saan pinasalamatan niya ang Kagawaran ng Ugnayang Panlabas, lalu na ang Tanggapan ng Diplomasiya Kultural sa pagpapalawig ng mga layunin ng UNACOM: “Ang wika ay siyang nagpapahayag ng mga kaisipan at mga hinahangad ng isang bayan, kung kaya’t masaya po kami na nabibigyan ng ganitong oportunidad ang mga dadaan sa ating munting sulok upang ipahayag ang kanilang mga nasa-isip at nararamadaman.”
Bukod rito, sa buong buwan ng Agosto, ay ililimbag rin sa mga opisyal na hatirang panmadla ng Kagawaran tulad ng Facebook, Twitter at Instagram ang mga tulang ito kasama na rin ang mga piling Pandaigdig na Pamanang mga Pook ng UNESCO ng Pilipinas. WAKAS
Katuwang na Kalihim sa Diplomasya Kultural, Celia Anna “Cookie” M. Feria (Larawan mula kay DFA-OPD Cielo Marie Vicencio)
Ang mga nagsulat ng tula at mensahe sa Buwan ng Wikang Pambansa corner (Larawan mula kay DFA-OPD Cielo Marie Vicencio)