MENU

Pilipinong Makata Pinarangalan sa Pagdiriwang ng Buwan ng Wikang Pambansa 2024 

Ang Tanggapan ng Diplomasya Kultural (DFA-OCD) at Pambansang Komisyon ng Pilipinas para sa UNESCO (UNACOM) (Larawan mula sa DFA-OPD, James Ryan Artiaga) 

LUNGSOD NG PASAY Ika-5 ng Setyembre 2024 - Isinagawa ang pagtatapos na programa ng Buwan ng Wikang Pambansa sa Kagawaran ng Ugnayang Panlabas noong ika-30 ng Agosto 2024. 

Sa pagdiriwang na ito ay pinarangalan ang apat na makata na may-akda ng walong tula na itinampok sa Buwan ng Wikang Pambansa: Pambansang Alagad ng Sining Virgilio S. Almario – Mga Laruan at Ang Laya ay Hindi Layaw ng (Tagalog);  Marne L. Kilates – Kun Minsan an Paggiromdom Daing Pandok at Pampang Kan Sakong Pagkamoot ni (Bikol), Dr. Erlinda Kintanar-Alburo – Brain Drain sa mga Maestra at Ulan sa Panultihon (Cebuano), at Poeta Laureado Francisco Guinto – Alang Kwenta Ing Katasan at Bakit Isumpa Ra Ing Inalal Da Ka? (Kapampangan). 

Nagbigay ng Pambungad na Talumpati si Katuwang na Kalihim ng Diplomasya Kultural na si Kagalang-galang na Celia Anna M. Feria. Sa kanyang mensahe, binigyang-diin ang kahalagahan ng wika sa Pilipinas sa pagkamit ng kasarinlan. “Sa ating pag-gunita ng tema ng Buwan ng Wikang Pambansa: ‘Filipino, Wikang Mapagpalaya’, harinawa’y hindi magtapos sa buwan ng Agosto ang ating adhikaing parangalan ang mga wika ng Pilipinas tungo sa isang tunay na malayang kasarinlang Pilipino.” Kinilala din ang mga nagsulat ng mga katangi-tanging tula. Sila ay mga kawani ng Kagawaran at ang iba naman ay kawani ng ahensya ng seguridad na nagsisilbi sa Kagawaran.
Inilunsad din sa pagdiriwang ang Decálogo ni Apolinario Mabini sa wikang Pilipino mula sa Espanyol, na salin ng kilalang Pilipinong historyador na si Dr. Xiao Chua.

Nagtapos ang programa sa isang talumpati ni Deputy Executive Director Lindsay Barrientos ng Pambansang Komisyon ng Pilipinas para sa UNESCO (UNACOM) na ipinaalala ang pagsabay sa pagbabago ng panahon. “Ang pagtatapos ng ‬ating‭ ‬pagdiriwang‭ ‬ ‭ ‬ay ‭ ‬isang ‭ ‬paalala ‭ ‬ng ‭ ‬mas ‭ ‬malaki ‭ ‬pang ‭ ‬hamon ‭ ‬-- ‭ ‬ang tiyakin na‭ ‬ ‭ ‬ang‭ ‬ ‭ ‬ating mga‭ ‬ ‭ ‬wika ay‭ ‬ ‭ ‬patuloy‭ ‬ na ‭ ‬uunlad‭ ‬ ‭ ‬sa‭ ‬ gitna ‭ ‬ng patuloy na nagbabagong panahon.”

Ang pagdiriwang ng Buwan ng Wikang Pambansa 2024 sa Kagawaran ng Ugnayang Panlabas ay isinagawa sa pangunguna ng DFA-OCD at ng UNACOM. WAKAS

Katuwang na Kalihim ng Diplomasya Kultural  Celia Anna M. Feria sa kanyang Pambungad na Talumpati

Ang mga nagsulat ng katangi-tanging tula sa Buwan ng Wikang Pambansa corner (Larawan mula sa DFA-OPD, James Ryan Artiaga) 

Ilan sa mga litrato ng nanalong tula (Larawan mula sa DFA-OPD, James Ryan Artiaga)