ika-25 Agosto 2016 — Pinaunlakan ni Propesor Felipe M. de Leon, Jr., Tagapangulo ng Pambansang Komisyon ng Kultura at Sining (National Commission on Culture and the Arts), ang mga kawani ng Pasuguan ng Pilipinas sa Hanoi ng isang maiksing diskusyon noong Agosto 22 tungkol sa wikang Filipino bilang paggunita sa Buwan ng Wika.
Tinawag na “Kapihan sa Pasuguan,” ang mga kawani ay nagbahagi ng kanilang mga katanungan at kuro-kuro ukol sa paggamit ng wikang Filipino.Ibinahagi din ni Ambassador Noel Servigon ang kanyang mga napagtanto sa pagkakahalintulad at pagkakaiba sa pagpantig ng mga salita sa iba’t ibang rehiyon ng Pilipinas at sa mga bansang kanyang napuntahan kabilang na ang Viet Nam.
Ayon kay Propesor De Leon, ang wikang Filipino ay natatangi sa lahat ng wika sa mundo. Ito rin ang pinaka-mahirap unawain at matutunan kumpara sa wikang Ingles. Ang isang salitang ugat ay maaring magkaroon ng iba’t-ibang kahulugan base sa paggamit.
Nagpasalamat ang lahat ng kawani ng Pasuguan sa espesyal na araw nilang nakasama si Propesor De Leon. WAKAS