MENU

ika-08 ng Setyembre 2016 — Isang simple ngunit makabuluhang pagdiriwang ng Wikang Pambansa ayon sa temang "Filipino: Wika ng Karunungan" ang isinagawa ng Pasuguan ng Pilipinas sa Ankara, Turkey noong ika-28 ng Agosto. Ito ay dinaluhan ng mga miyembro ng komunidad ng mga Pilipino sa Ankara, pati na rin ng mga nanggaling pa sa mga bansang Israel at United Arab Emirates.

Sa kanyang pambungad na pananalita, binigyang-diin ni Punong Sugo Maria Rowena Mendoza Sanchez na ang Tagalog ay hindi ang pambansang wika. Filipino, at ang iba't ibang lenguahe gaya ng Bisaya, Ilocano, at Kampampangan ay bahagi ng Wikang Filipino na progresibo at aktibo.

Pinangunahan ng mga kabataan na sina Hasana Mangondaya, Carlwina Neri, at Melissa Aguilera ang pag-awit ng komunidad sa kantang, "Awit ng Wika" ni Tishie Subido.

Nagpalabas din ng maikling video ng dalawang tula, "Ngayon" ni Vim Nadera at "Litel Mis Pilipings," sa interpretasyon ni Aiza Seguera.

Sa panayam na may pamagat na "Wika ng Karunungan at Paglilingkod" ni Propesor Angelito Manalili, ibinahagi niya ang kanyang mga karanasan bilang isang guro sa Unibersidad ng Pilipinas. “Hindi dapat nawawala ang pagkakakilanlan ng isang tao kahit ito'y gumagamit ng ibang lenguahe,” ‘ika niya. Dagdag niya, ang karunungan ay dapat sinasamahan ng paglilingkod sa kapwa tao.

Nagkaroon din ng pagkakataon na magbigay ang mga dumalo ng kani-kanilang mga reaksyon sa panayam. Si Ginang Lhea S. Delos Reyes na galing pa sa Israel ay nagpahayag ng kasiyahan sa pagtitipon at isa daw itong magandang karanasan. Si Ginang Edina Gacheco naman na nanggaling pa sa Dubai ay pinahalagahan ang pangyayari sapagkat sa dalawang buwan niyang pamamalagi sa Turkey ay ngayon niya muling naranasan makipag-usap sa wikang Filipino. "Ako ay emosyonal sa tagpong ito dahil sa mga paliwanag at kwento ni Propesor Manalili,” dugtong ni Ginang Nalida Bonto. Wika ni Marissa Isbilir, "kahit nasa ibang bansa tayo ay huwag sana nating kalimutan ang ating sariling Wika.”

At sa pangunguna ng mga pinuno ng komunidad ng mga Filipino sa Ankara at mga kabataan, muling kumanta ang mga dumalo sa mga awit na "Ako'y Isang Pinoy" at "Mga Kababayan Ko." Sinundan ito ng isang sorpresang pagkanta ng mga kabataan ng "Harana."

Sumunod dito ay nakilahok ang mga dumalo sa isang laro na tinawag na "Salitang Filipino Pagdugtong-dugtungin Mo." May 150 na katao ang sumali sa laro, pati na rin ang mga Pilipinong sumadya sa Misyong Konsular sa Istanbul noong araw na iyon. Ang mga nagsilbing hurado ng laro ay sina Ginang Carmen Martin, Presidente ng Filipino Community in Istanbul (FCI), at si Ginang Elma Trinidad, Presidente ng Filipino Community in Turkey (FCT). Ang mga tumulong kay Consul General Robert Ferrer sa pamamahala ng paligsahan sa Istanbul ay sina Marivic Vardal at Cynthia Dağidir.

Nagkuhanan ng litrato ang mga nagsipagdalo kasama ng mga kawani ng Pasuguan sa pagwakas ng programa. WAKAS

Pasuguan wika