Paggunita Sa Buwan Ng Wika, Pinangunahan Ng Pasuguan Ng Pilipinas Sa Switzerland
Sugo ng Pilipinas sa Switzerland Denis Yap Lepatan habang nagbibigay ng mensahe ukol sa paggunita ng Buwan ng Wika.
Sugo ng Pilipinas Denis Yap Lepatan, kasama ng mga kasapi ng mga lupon ng Pilipino sa Switzerland habang nanonood sa palatuntunan ng pagdiriwang ng Buwan ng Wika.
BERNE 06 Setyembre 2018 — Pinangunahan ng Pasuguan ng Pilipinas sa Switzerland ang paggunita ng Buwan ng Wika, na ginanap noong ika-19 ng Agosto 2018.
Ang pagdiriwang ay natapat din sa ika-140 kaarawan ni dating Pangulong Manuel L. Quezon, na tinaguriang Ama ng Wikang Pambansa.
Sa kanyang talumpati pinasalamatan ng Sugo ng Pilipinas sa Switzerland Denis Yap Lepatan ang lahat ng dumalo sa pagdiriwang at binati ang mga ito ng isang makabuluhang selebrasyon ng Buwan ng Wika.
Sa kanyang pahayag, sinabi rin ng Sugo na ang para sa taong 2018, minarapat ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) na piliin ang temang “Filipino: Wika ng Saliksik” bilang pagkilala sa paggamit ng wikang Pambansa sa pagpapalaganap ng karunungan at kaunlaran, lalo na sa agham at matematika.
Tinawagan din ng Sugo ang lahat na makiisa sa pagpapalawig ng wikang Filipino sa Switzerland sa pamamagitan ng pagtuturo ng ating wika sa kasunod na salinlahing Filipino sa bansa.
Binigyang diin din nya na ang wika ay isang kasangkapan upang ang lahat ay makapag-usap at magkaintindihan, at upang ang mga Pilipino magkabuklod para sa isang layunin lalo na at para sa bayan.
Sa paggunita ngayong taon ng Buwan ng Wika binasa ng tatlong batang Pilipino na sina John Michael Ferrer, Orson Gregorio Susvilla, at Leia Alexxa Sto. Domingo ang tatlo sa mga tula ng pambansang bayani na si Dr. Jose P. Rizal. Ito ay ang “Kundiman,” “Sa Aking mga Kababata,” at “Awit ni Maria Clara.” May 60 katao ang dumalo sa pagdiriwang ng Pasuguan ng Buwan ng Wika. KATAPUSAN
Binasa ng tatlong kabataang Filipino ang ilang tula ng pambansang bayani Dr. Jose P. Rizal.
Bahagi ng paggunita ng Buwan ng Wika ay ang pagpapakita ng sampung larawan ng tanyag ng Pilipino ng ating kasaysayan. Kasama dito sina Andres Bonifacio, Marciano Lopez Jaena, Antonio Luna, Jose Rizal, at iba pang mga piling bayani. Ito ay ginanap sa Sentro Rizal na Pasuguan.
Para sa ibang impormasyon, Bumisita sa www.bernepe.dfa.gov.ph o https://www.facebook.com/PHinSwitzerland.