Overseas Voting sa Embahada ng Pilipinas sa Tel Aviv, Nagsimula Na
Kaliwang larawan: Sinasaksihan ni Philippine Ambassador Macairog S. Alberto (nakatlikod, gray na coat), kasama ang mga poll watchers at kinatawan ng media, ang pagbubukas ng Overseas Voting para sa 2022 National Elections. Kanang larawan: Sina Vice Consul Teri Adolf C. Bautista (Chair, Special Board of Election Inspectors) at Ms. Adela Baclig (Poll Clerk) sa pangalawang araw ng OV. (Litrato mula sa Tel Aviv PE)
TEL AVIV, 10 Abril 2022 – Nagsimula ng ganap na ika-8 ng umaga ang Overseas Voting (OV) para sa Pambansang Halalan 2022 sa Embahada ng Pilipinas dito sa Tel Aviv, Israel.
Binuksan ni Vice Consul Teri Adolf Bautista, Chair ng Special Board of Election Inspector (SBEI) and OV sa harap ng mga unang piling botante, mga kinatawan ng mga iba’t-ibang partido pulitikal at poll watcher, at kawani ng media (Manila-Tel Aviv). Sinaksihan ng lahat ng nasa polling center na walang laman ang ballot box, gumagana ang Vote Counting Machine (VCM), at wala pang nakatalang boto sa SD card ng nasabing VCM.
Ikinagalak ni Philippine Ambassador Macairog S. Alberto ang maayos na pagbubukas ng OV sa Embahada at nanawagan sa ating mga kababayan dito sa Israel na bumoto ng maaga, dalhin ang mga kinakailangang requirement sa araw ng pagboto (valid na pasaporte o anumang valid Philippine Government ID), at sundin ang mga alituntunin ng wastong pagboto sa Embahada.
“Ang pagboto sa halalan ay mahalagang sandigan ng ating demokrasya at isang karapatan na dapat tamasain ng ating mga kababayan. Kami po ay malugod na tatanggap sa ating mga duly-registered na kababayan dito sa Israel na nais pumarito sa Embahada para makaboto.” ika ng ambassador.
Naibahagi naman ng isang kababayan na mula Candelaria, Quezon (na dalawampung taon nang nakabase sa Israel) ang kanyang pananabik na muling makibahagi sa OV, kahit na hindi na ito ang kanyang kauna-unahang pakikilahok sa halalan.
Nairaos ang unang araw ng OV ng walang malaking sagabal at aberya, bunga ng pagtutulungan ng Embahada, mga poll watcher, at ang mga botanteng kabilang sa Pamayanang Pilipino dito sa Israel.
Para mabigyang pagkakataon na makaboto ang mga rehistradong botanteng Pilipino sa Israel, tuloy-tuloy na bukas ang Embahada para sa OV, mula ika-8 ng umaga hanggang ika-5 ng hapon, kahit weekend or holiday, maliban na lamang sa huling araw ng halalan sa ika-9 ng Mayo, kung saan hanggang alas-2 na lamang ng hapon ang botohan, para magbigay daan sa pagbibilang ng mga boto.
Patuloy na kumikilos ang mga kawani ng Embahada upang mas lalong maging madali at gawing kaaya-aya ang pagboto ng ating mga kababayan, habang sinisigurado na nasusunod ang mga resolusyon ng COMELEC at pati na din ang mga umiiral na alituntuning pangkalusugan ng Israel. WAKAS
Mga kababayang Pilipino sa Israel na nakapila sa labas ng Embahada para makaboto sa unang araw ng Overseas Voting. (Litrato mula sa Tel Aviv PE)
For more information, visit https://www.telavivpe.dfa.gov.ph, https://www.philippine-embassy.org.il, https://www.facebook.com/PHinIsrael/, or https://twitter.com/PHinIsrael