Mga Pilipino Sa Türkiye Lumahok Sa Online Lecture-Workshop Sa Wika At Kulturang Filipino
Ang mga lumahok sa webinar na Kilalanin ang Wikang Pambansa sa Dalawapu’t Walong Salita. (Photo by Ankara PE)
ANKARA ika-30 ng Agosto 2023 – Ang Sentro Rizal sa Pasuguan ng Pilipinas sa Ankara at ang Konsulado Heneral ng Pilipinas sa Istanbul, kasama ng Pambansang Komisyon sa Kultura at Sining (NCCA), ay nagsagawa ng webinar na may pamagat na "Kilalanin ang Wikang Filipino sa Dalawampu't Walong (28) Salita," bilang pagdiriwang ng Buwan ng Wika noong Linggo, 20 Agosto 2023.
May animnapung (60) katao ang dumalo sa webinar, kabilang ang mga kawani ng Pasuguan at Konsulado Heneral at may labinlimang (15) Pilipino sa Ankara na dumalo nang personal sa Pasuguan. Ang webinar ay napanood din sa livestream ng Facebook page ng Pasuguan.
Sa kanyang mensahe, sinabi ni Chargé d’Affaires a.i Juan E. Dayang Jr. ang kahalagahan na alamin ang ating Wikang Pambansa. Hinimok din niya ang bawat Pilipino na patuloy na yakapin ang mga pamanang kulturang Pilipino lalong-lalo na para sa mga ikalawa at ikatlong henerasyon ng mga Pilipino sa Türkiye. "Mahalagang hikayatin ang bawat Pilipino na yakapin, mahalin at ipagmalaki ang Wikang Filipino," aniya.
Sinabi naman ni Consul General Shirlene C. Mananquil sa kanyang mensahe na layunin ng webinar na ito ang ipahayag ang paggalang sa kahalagahan ng mga wika mula sa iba’t ibang sulok ng ating bansa. “Ang wikang Filipino ay bahagi na ng identidad o pagkakakilanlan ng ating bansa at ito ay sumasagisag sa pagkakaisa ng mga Pilipino,” dagdag pa niya.
Ang resource speaker na si G. Roy Rene Cagalingan ay miyembro at dating Pangalawang Pangulo ng Linangan, Imahen, Retorika at Anyo (LIRA), isang grupo ng mga makata sa Pilipinas na itinatag ng Pambansang Alagad ng Sining na si Virgilio Almario. Sa simula ng kanyang panayam, nagtanong si G. Cagalingan, "Gaano mo kakilala ang ating bayan?" Inilahad niya kung paano lubos na makikilala ang Pilipinas, ang Wika at ang Kulturang Filipino gamit ang dalawampu't walong (28) salita na nagsisimula sa 28 titik ng alpabetong Filipino. Tinalakay din niya ang mga pangunahing patnubay sa pagsulat ng tula.
Ang mga kalahok sa webinar workshop ay nagkaroon ng pagkakataon na magsulat ng isang tula o tanaga na may apat na taludtod at may pitong pantig bawat taludtod na may sagisag ng kulturang Pilipino.. Ang mga kalahok ay aktibong nagboluntaryo na basahin ang kanilang mga tula na naglalarawan ng kanilang pagmamahal sa bayan. Ang mga tula ng mga kalahok ay itatampok sa Facebook page ng Pasuguan at Konsulado Heneral.
Sa pagtatapos ng programa, nagprisinta ang Pasuguan ng Pilipinas sa Ankara at ang Konsulado Heneral ng Pilipinas sa Istanbul ng isang plake para kay G. Cagalingan sa kanyang pagbabahagi ng kaalaman. WAKAS
Ang mga Pilipino na taga Ankara ay tahimik na nakikinig sa lecture-workshop “Kilalanin ang Wikang Pambansa sa Dalawampu’t Walong (28) Salita” sa Pasuguan ng Pilipinas (photo from Ankara PE).
For more information, visit https://www.ankarape.dfa.gov.ph, https://www.facebook.com/PHinTurkey/, https://twitter.com/PHinTurkey or https://www.instagram.com/phinturkey/ .