MENU
×

Warning

JUser: :_load: Unable to load user with ID: 422

ankara

02 Setyembre 2014 - Ipinagdiwang ng Pasuguan ng Pilipinas sa Ankara ang “Buwan ng Wika” kasama ang komunidad ng mga Pilipino noong ika-24 ng Agosto.

 

Bilang panimula, nagbahagi si Ministro at Konsul Heneral Robert O. Ferrer, Jr. ng mensahe para sa mga dumalo ukol sa mga ginugunita kabilang ang “Buwan ng Wika”, Ninoy Aquino Day, at ang “Araw ng mga Bayani.”  Binanggit din ni Ginoong Ferrer ang mga nalalapit na mga proyekto ng Pasuguan sa taong 2014.

 

Sinundan ito ng maikling palabas na pinamagatang “Ang Panitikang Pilipino” na likha ni Ginang Ma. Cristina Agor-Zabala, na nagpapakita kung paano naisalin-salin ang sinaunang “baybayin” ng mga ninunong Pilipino sa kasalukuyang alpabeto. Ipinakita din nito ang maraming anyo ng Panitikang Pilipino katulad ng mga alamat, tula at mga karunungang bayan tulad ng bugtong, salawikain at iba pa.

 

Para mas layong maintindihan at mapahalagahan ang wikang Pilipino, binigkas ni Binibining Melissa Aguilera ang tulang “Wika sa Lupang Tinubuan” na sinulat ni Erica P. Retuya.

 

Isang madamdaming interpretasyon ng kantang, “Isang Dugo, Isang Lahi, Isang Musika” ng sikat na mang-aawit ng OPM na si Richard Reynoso ay inihandog ng “Munting Tinig”, isang koro na binubuo ng mga anak ng mga kawani ng Embahada at komunidad ng mga Pilipino sa Ankara.

 

Ilang miyembro ng komunidad ng Pilipino ay naghandog din ng sayaw na “La Jota Moncadena” na ikinagalak ng mga manonood.

 

Sinundan ito ng makahulugang panonood ng isang maikling kwento ni Lola Basyang na pinamagatang “Ang Alamat ng Kasoy” na layong nagturo ng leksyon na “maging kontento kung ano man ang panglabas na anyo, sapagkat ito ay bigay ng Diyos”, ika nga ni Ginang Dahlia Cubelo, isang miyembro ng komunidad.

 

Mas lalong sumaya ang pagdiriwang dahil sa mga palarong “bugtungan” at “pampilipit-dila” na nilahokan ng mga dumalo.  Isang nakakatawang Balagtasan ang inihandog nina Ginang Marisa Isbilir at Ginang Aida Pusag. Si Ginang Dahlia Cubelo naman ay bumigkas ng tula na pinamagatang “Ito ang Bayan ko” na sinulat ni Ginoong David San Pedro, habang si Bb. Cecile Eguia, bilang patapos, ay bumigkas ng kanyang orihinal na likha, and tulang “Wikang Pilipino - Ang Wikang Pambansa”.  WAKAS