Ika 13 ng Agosto 2013 - Idinaos ng Konsuladong Panlahat ng Pilipinas sa Guam ang ikalawang pagdiriwang ng Buwan ng Wika na ginanap kasama ang mga opisyal at kasapi ng samahan ng mga kababaihang Pilipino sa Guam o Filipino Ladies Association of Guam (FLAG) at ng samahan ng mga Pilipino-Amerikanong Pangulo sa Guam o Filipino-American Presidents Club of Guam (FAPCG).
Ang pagdiriwang ay sinimulan sa pamamagitan ng Pagtataas ng Bandila sa ganap na ika-walo ng umaga. Ang pag-awit ng ating Pambansang Awit na Lupang Hinirang ay pinangunahan ni Gng. Lynda Tolan na dating taga-pangulo ng FLAG; samantalang ang Panunumpa sa Watawat naman ay pinangunahan ng pangulo ng FLAG na si Gng. Loisa Cabuhat. Ito ay sinundan ng payak na pagsasalo-salo ng agahan.
Kasabay ng pagsasalo-salo sa agahan ay may maiksing programa din na inihanda ang FLAG at FAPCG. Isang pagtatanghal ng Balagtasan ang kanilang inihandog na ang paksa ay: "Alin ang Lalong Kanais-nais, May Wika ay Walang Laya O May Laya ay Walang Wika?" sa pangunguna ng Lakandiwa na ginampanan ni G. Armando Dominguez at ng Lakambini na ginampanan ni Gng. Lynda Tolan. Ang dalawang taga-pagsalitang magkatunggali naman ay ginampanan nina Gng. Gloria Baguinon, pangulo ng FAPCG, para sa panig ng WIKA at Gng. Concepcion Viray, nakaraang taga-pangulo din ng FAPCG, para sa panig ng LAYA.
Ang Balagtasan ay isang diskurso o debate na itinatanghal sa pamamagitan ng pagtula. Ito ay ipinangalan sa magiting na makata at manunulat na si Francisco Balagtas, ang may akda ng Florante at Laura.
Ang mga kababaihan ng FLAG ay nag-alay din ng isang awitin para sa Konsul Heneral. Ito ay ang sikat na kundimang may pamagat na "Dahil Sa Iyo".
Ang mga pagdiriwang ng Konsulado sa Buwan ng Wika ay idinisenyo upang muling buhayin at lalo pang paigtingin ang paggamit ng ating sariling wika at upang ito ay patuloy na maipasa sa susunod na henerasyon, lalo na sa mga kabataang dito na ipinanganak at lumaki sa Guam. Sa pinakahuling ulat ng Census sa Guam noong taong 2010 ay dalawampu't-isang porsyento (21%) na lamang ng mga Pilipino ang gumagamit ng ating sariling wika sa kanilang mga tahanan. Sa ulat rin na ito na nilathala ng Pacific Daily News noong Linggo, ika-11 ng Agosto, ay nabanggit na ang mga Pilipino ay bumubuo sa dalawampu't-anim na porsyento ng kabuoang populasyon sa Guam.
Kaya naman tunay na ikinagagalak ng Konsuladong Panlahat ang partisipasyon ng ating mga kababayan sa makabuluhang pagdiriwang ng Buwan ng Wika, lalong lalo na ang pagtatanghal ng Filipino-American Presidents Club at ng FLAG ng Balagtasan na may napapanahong paksa rin tungkol sa kahalagahan ng ating sariling wika. WAKAS