Ika-13 ng August 2015 - Isang payak, ngunit makahulugang pag-gunita ng Buwan ng Wikang Pambansa sangayon sa tema na "Filipino: Wika ng Pambansang Kaunlaran" ay isinagawa ng Pasuguan ng Pilipinas sa Ankara, Turkey noong Linggo, ika-09 ng Agosto. Ang nasabing pag-gunita ay dinaluhan ng mga miyembro ng komunidad ng mga Filipino sa Ankara, Turkey.
Sa kanyang pambungad na pananalita, binigyang-diin ng Punong Sugo Maria Rowena Mendoza Sanchez ang pagiging isang lenguwaheng buhay ng wikang Filipino na may kakayahang makisabay sa pagbabago ng panahon. Buhay ang wikang Filipino at hindi ito naiiwan sa hakbang ng kasaysayan o sosyal na kaganapan sa Pilipinas, ‘ika niya.
Bilang bahagi ng maigsing programa ng pagdiriwang, dalawang dokumentaryo tungkol sa kahalagahan at kasalukuyang estado ng wikang Filipino and pinalabas. Ang mga miyembro ng komunidad ng mga Filipino sa Ankara, Turkey ay nagkaroon din ng pagkakataong ibahagi ang kani-kanilang talento sa pag-gunita ng Buwang ng Wika.
Sa pamamagitan ng pagbigkas ng tulang isinulat ni Ginoong Marvin Ric Mendoza na may pamagat na "Wikang Filipino", ibinahagi ni Binibining Diana Biluan ang paggamit ng wikang Filipino sa pagtahak sa matuwid na landas. Isang makabuluhang talumpati naman ang binigkas ni Ginoong Adrielle Espinosa, isang mag-aaral sa University of Turkish Aeronautical Association, na may pamagat na "Filipino: Wika ng Pambansang Kaunlaran."
Matapos ang mga presentasyon, ang mga dumalo sa pagdiriwang ay nagbahagi ng kanilang mga kuro-kuro at saloobin ukol sa naging kahalagan ng paggamit ng wikang Filipino sa pagtataas ng kamalayan tungkol sa bansang Pilipinas saan mang dako naroroon ang mga Filipino.
Nagkaroon din ng munting bugtungan na pinamunuan ni Ginang Anita P. dela Cruz na siyang nagdulot ng kasiyahan sa mga dumalo.
Sa kanyang panghuling mensahe, binigyan diin ni Konsul Heneral Robert Ferrer, Jr. ang papel na ginagampanan ng wikang Filipino sa pagkakaisa ng mga Filipino at kaunlaran ng bansang Pilipinas. Binanggit din niya na maraming salitang Turkish ay pareho sa Pilipino tulad ng ‘banyo’ o dili kaya ay ‘hukum’.
Bilang huling bahagi ng programa, sabay-sabay na inawit ng mga dumalo, sa pangunguna ni Konsul Heneral Ferrer at Gg. Jose Aguilera Jr., ang awitin ni Florante na may pamagat na "Ako'y Isang Pinoy". WAKAS