DFA Nagbubukas ng Appointment Slots Para sa Serbisyong Authentication/Apostille
MANILA 21 Pebrero 2025 – Nais pong ipabatid ng Department of Foreign Affairs (DFA) sa publiko na higit sa 2,000 appointment slots para sa Authentication/Apostille Services ay magiging available araw-araw ng eksaktong alas-9:00 ng umaga para sa DFA-ASEANA at lahat ng Consular Offices.
Mahalagang tandaan na ang appointment slots ay magbubukas lamang sa takdang oras na ito at hindi sa anumang ibang oras. Lahat ng available na slots ay maa-access lamang sa opisyal na DFA appointment portal (https:/appointment.apostille.gov.ph/) mula alas-9:00 ng umaga araw-araw.
Sa pamamagitan ng sistemang ito, inaasahan po naming magiging mas madali para sa mga aplikante na mag-book ng kanilang appointments para sa sarili. Hindi na kinakailangang maghintay ng mahabang oras para sa pagbubukas ng mga appointment slots, at lalong hindi kailangang magbayad sa sinuman para gawin ang pag-aabang sa pagbubukas ng mga appointment slots.
Kami po ay nagpapasalamat sa inyong kooperasyon at pang-unawa habang patuloy naming pinapalakas at pinapahusay ang aming mga serbisyo.
Para po sa karagdagang impormasyon at mga update, mangyaring bisitahin ang opisyal na website ng DFA.
Maraming salamat po. WAKAS