MENU

Pagbabago sa Paraan ng Pagkuha ng Appointment para sa Pagpapa-Apostille Simula Abril 14, 2025

MANILA 11 April 2025 — Ipinapaabot ng DFA sa publiko na simula sa Lunes, Abril 14, 2025, magkakaroon ng pagbabago sa paraan ng pagkuha ng appointment para sa pagpapa-Apostille gamit ang Online Appointment System. Sa ilalim ng bagong patakaran, kinakailangan munang magbayad ng Php 200.00, na katumbas ng isang Apostille, gamit ang LANDBANK Link.BizPortal bago mag-book ng appointment. Ang halagang ito ay hindi refundable kung ang appointment ay kakanselahin nang walang sapat na dahilan. Dahil dito, nais po naming paalalahanan ang lahat ng aplikante na tiyakin na hawak na nila ang dokumentong ipapa-Apostille bago mag-book ng kanilang appointment.

Para po sa mga hindi makararating sa kanilang appointment, ang nasabing appointment at bayad ay ikakansela, at kinakailangan nilang mag-book ng panibagong appointment.  

Ang mga pagbabagong ito ay ipatutupad upang matugunan ang ilang mga isyu, tulad ng mga sumusunod:

      1. Ang maramihang pag-book ng appointment ng iisang tao upang siguraduhing may appointment kahit hindi magpakita sa naunang appointment.
      2. Ang hindi awtorisadong pag-book para sa iba’t ibang tao, na ginagamit upang ialok o ibenta ang appointment slot.
      3. Ang pagkansela ng appointment nang walang wastong dahilan.

Ang mga nabanggit na isyu ay nagdudulot ng kakulangan ng pagkakataon para sa mga ibang nangangailangan ng serbisyo. Dahil dito, hanggang aplikasyon ng 3 tao lamang ang pwedeng isumite ng isang representative. 

Inaasahan namin na ang pagbabagong ito ay makakatulong upang magbigay ng pagkakataon sa mga tunay na nagnanais na makapagpa-Apostille ng kanilang mga dokumento at matigil ang hindi seryosong pag-book ng appointment. Magiging patas ang pamamahagi ng mga oras ng serbisyo, upang mas marami ang makinabang.

Sa Abril 14 din, magbubukas ng appointment slots hanggang sa May 30. Hinihikayat ang mga aplikante na maghanda at mag-book agad upang matiyak ang kanilang appointment.

Ang mga hakbang na ito ay layuning mapabuti ang kalidad ng aming serbisyo. Maraming salamat sa inyong kooperasyon!

END